Jeddah muling nalubog sa baha; mga Pinoy pinag-iingat

JEDDAH – Nagbigay ng paalala sa mga Pinoy sa lugar na ito ang mga opisyal ng Embahada at Konsulada ng Pilipinas kaugnay sa nagaganap na matinding pagbaha doon dulot ng malakas na pag-ulan.

Ang paalala ay ginawa ni Consul Leo Tito Ausan, sa mga Pinoy matapos silang makatanggap ng impormasyon na mayroong Pinoy na nakuryente sa paglusong sa baha nitong Miyerkules.

Mga tagpo sa pagbaha sa Jeddah - Ronald Concha
“May natanggap na kaming report na may nakuryenteng Pinoy at amin pa itong bineberipika," ayon sa opisyal.

Maliban sa naturang insidente, wala na umanong ibang natatanggap na ulat tungkol sa mga Filipino na maaaring napahamak sa pagbaha.

Ang paglubog sa baha ng maraming lansangan sa Jeddah nitong Miyerkules dulot ng malakas na pag-ulan ay pangalawa na ngayong Enero.

Nagmistulang ilog ang kahabaan ng mga pangunahing kalsada sa Jeddah na naging dahilan sa pagkaka-stranded ng libu-libong motorista, kabilang na mga migranteng Pinoy.

Sinabi ng isang Pinoy na nakausap ng GMANews.TV, na umaabot hanggang leeg ang lalim ng tubig sa lugar ng Ballad na paboritong lugar ng mga OFWs para pamili ng mga produkto.

Kahit maagang kinansela ang klase sa mga Philippine school dahil sa pag-ulan, marami pa ring anak ng mga OFWs ang ginabi sa pag-uwi dahil naipit sa matinding trapiko.

Ang iba namang OFWs ay napilitang magpalipas ng gabi sa kanilang mga pinapasukan.

Ikinuwento naman ng isang OFW na nagngangalang Muffy na nalubog sa tubig ang unang palapag ng kanilang bahay.

“Mabuti na lang may second floor kami," ayon sa OFW sa GMANews.TV. “Grabe po ang tubig dito, sobra ang taas. Nakakatakot po talaga."

Dahil sa peligro na malusot sa mga butas sa kalye at kaya'y makuryente, pinayuhan ni Charges d Affaires Consul General Ezzedin Tago ang mga Pinoy na manatili na lang sa kanilang mga bahay kung wala rin lang importanteng pupuntahan. - Ronald Concha, GMANews.TV

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star