Mga Pinoy small business owner sa Italy umaaray sa COVID-19 recession
MILAN, Italy - Kabilang ang mga negosyanteng Pilipino sa northern regions ng Italy sa mga tinamaan ng epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ekonomiya.
Isa si XP Dimaano, may-ari ng isang dance academy sa Milan, sa mga nakaramdam sa epekto ng krisis dala ng COVID-19.
Dalawang buwan na ang lumipas mula noong huling magturo si Dimaano at mukhang maaari pa itong magtagal. Bawal pa rin ang malalaking pagtitipon na bahagi ng preventive measures ng pamahalaan laban sa sakit.
"Malaking epekto kasi ito lang 'yung hanapbuhay ko, ang mga dance class ko," sabi ni Dimaano.
Dahil puro mga kabataan din ang mga estudyante, mas pinili ni Dimaano ang kanilang kaligtasan, kahit ibig sabihin nito ay ang pagkawala ng kaniyang pinagkakakitaan.
"For now, stop muna. I don’t want to risk 'yung health ng mga bata," dagdag ni Dimaano.
Sa pagbubukas ng Italya sa Mayo 4, marami ang mananatiling nakasara gaya na lamang ng mga coffee shops at restaurants.
Ang negosyanteng si Marian, hindi tunay na pangalan, aminadong parang nabalewala lahat ang kaniyang pinaghirapan dahil sa biglaang pagpapasara ng kaniyang restaurant.
Makapagbukas man siya muli sa Hunyo ay hamon pa rin kung paano mababawi ang nawalang kita sa nagdaang tatlong buwan. Bukod pa dito ang patong-patong na renta.
"Walang source of income. Saka, s'yempre biglaan. Umaasa kami sa pang araw-araw na kita. Buti pa ang bakasyon, napaghahandaan pero 'yung ganito biglaan mahirap," sabi ni Marian.
Dahil sa recession ay tataas din ang unemployment rate sa Italya. Marami sa mga Pilipino ang umaasa sa cassa integrazione o unemployment benefits mula sa gobyerno ng Italya.
Ito ay ang sistema kung saan ang gobyerno ay magbibigay ng bahagi ng suweldo ng mga empleyado ng isang kumpanya na apektado ng pandemya. Bahagi ito ng Cura Italia law decree na inanunsyo ni Prime Minister Giussepe Conte noong March 17.
Ang restaurant kung saan nagtatrabaho Si Weelma Guinto ay permanente nang magsasara dahil hindi kaya ng may-ari ang operating costs.
"Yung restaurant ko po pinapasukan nagsarado na po dahil sa 2 months lockdown ay pinagbayad pa din ng may-ari para sa upa ng location tapos June pa ang bukas at my new regulation pa sa restaurant na bago kailangan nila ipagawa sa bawat table ng harang para sa distance at ilan lang ang puwede pumasok," sabi ni Guinto.
Hanggang Hunyo naman makatatanggap ng unemployment benefits si Guinto. Pero dahil may anak at sarado rin ang mga eskuwelahan, hindi alam ni Guinto kung paano siya muling maghahanap ng trabaho.
Comments