President Aquino’s Labor Day 2011 speech

Isang mapayapang linggo ng umaga po sa ating lahat. Marahil po, nakasanayan na natin na ang Araw ng Manggagawa ay nagiging Araw ng Bolahan. Isang araw tayong paliliguan ng pa-poging numero ng pamahalaan, habang buong taon naman nila tayong tatalikuran.

Ibahin po ninyo ang inyong bagong administrasyon: hindi bukambibig ang good news namin, at hindi ito nakakulong sa kung anong numero na itinutrumpeta pero hindi isinasagawa.

Hinahanap po namin ang lahat ng puwede naming gawin, at ginagawa namin ito. Hindi kami nangangako ng imposibleng mangyari, o ng mga bagay na sa paglaon ay lalo lang makakasakit sa bansa natin.

Halimbawa po: ang sabi, tanggalin ang oil deregulation. Ang ganda nga naman pong pakinggan: sasabihin ng gobyerno, ibaba ang presyo ng langis, at bababa nga ito. Pero paano naman po natin gagawin ‘yan, kung talaga namang tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado? Saan tayo huhugot ng panustos sa diperensya ng presyo?

Magawa man ito, artipisyal ang magiging pagbaba. Bubulusok ang tangan nating dolyar, bababa ang halaga ng piso, at lahat ng may imported content, tataas ang presyo. Maging mga lokal na produkto, apektado rin. Wala naman kasi tayong krudo sa paggawa ng plastic at iba pang materyal. Kaya hindi man magtaas ang presyo ng buko juice, oras na pinasakan mo ito ng straw, lagas agad ang bulsa mo.

Batid po ng lahat na limitado ang pondo sa kaban ng bayan. Kulang man tayo sa pondo, hindi tayo nagkukulang sa tamang diskarte sa paggamit nito. Inilalagay natin ang pera kung saan ito may pinakamalaking pakinabang. Halimbawa nga po itong Pantawid Pasada. Dahil hindi na kailangan pang magtaas-pasahe ng mga tsuper, naibsan na rin natin ang pabigat sa bulsa ng dagsa-dagsang pasaherong papasok sa eskuwela o trabaho.

Ang pangunahin ko pong panata sa inyo, marangal na trabaho para sa Pilipino. Noong isang taon, eleksyon, napakarami pong mga kandidato. Bawat mayor, vice mayor, governor, lahat po iyan ay may mga kinuhang seasonal worker, mula sa mga nag-imprenta ng t-shirt hanggang sa nagpamigay ng polyeto. DOLE na po mismo ang nagsabi: napakaraming pansamantalang trabaho ang nailikha dahil sa eleksyon.
Aba’y kung ikukumpara naman talaga ang bilang ng trabaho ngayon sa noong isang taon, halos pareho lamang ang naging bilang nito. Natapos po ang eleksyon, pero ‘yung trabahong dapat sana’y mawala, napunan natin.

Ano po ba ang ginawa natin? Isa pong halimbawa: Kung dati, namumroblema ang mga nursing graduates natin dahil wala silang mapasukang ospital, ngayon po, halos sampung libong nurse na ang naipadala natin sa mga pinakamahihirap na barangay bilang bahagi ng RN Heals program ng DOH.

Nakapila na rin ang mga proyekto ng gobyerno tulad ng mga tulay, paaralan, at irigasyon. Trabaho rin ang dulot nito. Sa ngayon po, mahigit isang milyong trabaho na ang malilikha ng mga proyektong naka-enrol sa Community-Based Employment Program (CBEP).

Para naman po sa mga magsasaka, na madalas walang mapagkakitaan pagkatapos ng anihan, nakalatag na rin po ang 4.23 billion pesos Rice Subsidy for Small-scale Farmers and Fisher Folks natin. Ang DSWD, lumalapit sa mga komunidad at sinasabi, “Halina po tayo’t maghanda para sa susunod na taniman, maglinis tayo ng ilog at paligid, at heto, pasusuwelduhan namin kayo, para may panustos naman po kayo habang hindi pa panahon ng pagsasaka." Kumikita na nga po sila, nakikinabang pa ang kanilang mga komunidad.

Marami rin po sa mga masisipag ngunit mahihirap na mga estudyante, ang hindi makapag-enrol tuwing Hunyo. Ang tugon natin sa kanila: ang Special Program for Employment of Students (SPES), na magbibigay sa kanila ng trabaho kapag bakasyon. Ang una po nating tinarget para sa taong ito, walumpung libong benepisyaryong estudyante. Ngayon, ang budget para sa SPES, pinadagdagan na natin ng 168.1 million pesos sa DBM at DOLE. Ang katumbas po nito, dagdag na limampu’t dalawang libong estudyante ang hindi na kailangang mamrublema pa kung saan sila kukuha ng panustos sa kanilang pag-aaral. Ipagpapatuloy pa po natin ang pagdagdag ng budget para sa SPES sa 2012, tulad ng naaayon sa batas.

Dagok din po ang isyu ng lumalaking puwang sa kakayahan ng aplikante at sa kung ano ang bakante at kailangang trabaho ng mga kumpanya. Si Juan, nakapagtapos nga ng kolehiyo, pero wala namang mapasukang trabaho na akma sa kinuha niyang kurso. Sayang naman po ang ipinuhunan ng kanyang mga magulang. Bilang tugon, inilunsad ng DOLE ang Career Guide: isang online labor market information service na magbibigay ng napapanahong impormasyon tungkol sa mga sektor at trabahong in-demand, at magbubukas ng mas malaking pagkakataon para magamit ng mga graduates natin ang kanilang piniling kurso. Hindi lamang nito gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng wastong kurso sa kolehiyo, kundi makakatulong din ito sa mga aplikanteng naghahanap ng trabahong akma sa kanilang kakayahan.

At alangan naman pong mawala ang Labor day Job and Livelihood fair ngayong araw. Kasalukuyan itong nagaganap sa iba't ibang bahagi ng bansa, kung saan may humigit-kumulang dalawandaang libong trabaho ang maaaring pagpilian ng ating mga kababayan. Sa katunayan, kung magawi po kayo sa Luneta pagkatapos ng ating almusal, ayon sa huling tala ng DOLE, may halos dalawandaan at pitumpung local at overseas employers ang tumatanggap ng mga aplikante para mapunan ang mahigit pitumpunglibong trabaho. Inaasahan pong bago matapos ang araw na ito, labinlimang porsyento sa mga aplikante ay magkakatrabaho on-the-spot, habang ang iba naman ay maipoproseso ang aplikasyon sa loob ng isang buwan.

Hindi naman po natin pwedeng akuin ang lahat ng mga nalilikhang trabaho. Nagbukal po iyan sa tiwala ng taumbayan, na nagpatibay sa dating uuga-ugang ekonomiya, at nagbigay-gana sa mga negosyante, mula sa loob at labas ng bansa. Mula callcenter hanggang sa pagawaan ng barko, mas lalong na-engganyo dahil na rin sa tiwala ninyo.

Kinikilala po natin ang pangamba ng negosyante, lalo na ng maliliit na kumpanya. Pero hindi natin kayang magbingi-bingihan sa mga daing ng ating mga minimum wage earners. May proseso po para sa kanilang mga hinaing, at nakahain na po ang kanilang mga petisyon sa kani-kanilang mga wage board.

Habang nakabinbin ang ganitong mga petisyon, lalo naman pong tumitindi ang tensyon sa pagitan ng mga manggagawa at management. Baka naman po puwedeng paspasan na ng mga wage board ang pag-asikaso sa mga isyung ito, upang makatutok na rin ang mga manggagawa sa kani-kanilang mga trabaho, at pare-pareho na tayong makahinga nang mas maluwag.

Kitang-kita naman po na hangga’t kaya nating madaliin ang ginhawa, ginagawa natin. Sa mga kabalikat ko pong government worker: pare-pareho tayong excited sa ating mid-year bonus. Kaya nga po yung prosesong dapat, sa a-kinse ng Mayo pa magsisimula, pinagulong na natin.

May isa pa po tayong inaabang-abangan: ang third tranche ng ating salary standardization na lalabas ngayong Hunyo. Tama po ang dinig ninyo: sa June at hindi sa July ang pagtaas ng sahod ng mga taga-gobyerno. Pinaaga po natin yan ng isang buwan dahil alam kong malaking bagay ito, lalo na’t magpapasukan na naman. Alangan namang ipagpabukas pa natin ang kaya naman nating ibigay ngayon.

Iyan po ang panata natin simula pa lang, at iyan ang pinaninindigan natin hanggang sa ngayon.

Mulat naman po siguro ang lahat sa dami at lalim ng kailangan nating ayusin. Para po kaming bumubunot ng kinakalawang na pako gamit ang sarili naming daliri. Nambobola lang po ang mga nagsasabing sa loob ng isang tulog o isang buwan ay magbabago na ang lahat. Kalokohan po iyan. Ang maliwanag po, papunta na tayo sa tunay at makabuluhang pagbabago.

Hindi po kasi kami manhid. May pakialam kami sa dinaraanan ng bawat manggagawang Pilipino, at nasa isip namin palagi ang lingap at ginhawang kaya naming idulot sa inyo. Hindi kami nag-atubiling ibigay ang kayang ibigay basta’t hindi ito makakasakit sa ating ekonomiya at lipunan sa mga darating pang panahon. Hindi kami nagsawang magpabalik-balik sa Egypt, Libya, o Japan, magastos man o mapanganib—dahil alam naming may mga batang naghihintay sa kanilang mga magulang, at may mga asawang nangangamba para sa kaligtasan ng kanilang minamahal.

Paulit-ulit ko pong hinihimok ang sambayanan: makilahok po tayo at huwag lamang makialam. Umambag tayo sa solusyon. Mag-usap tayo nang matino nang sa wakas ay mahawi na natin ang mga barikada at makapagtrabaho na tayong lahat nang matiwasay.

Meron na po kayong administrasyong kumikilala sa mga manggagawa. Meron na kayong pamahalaang mulat na hindi lang kayo basta mga numero sa kapirasong pilas ng papel; hindi kayo mga titik lamang sa makakapal na dokumentong inaamag sa mesa. Kinikilala namin ang pagod at hirap ng bawat manggagawang Pinoy: magsasaka man o mangingisda, drayber o call center agent, nagpundar ng puhunan o nagsisilbi sa taumbayan. Ngayon pong araw ng manggagawa, may pamahalaan po kayong may ginagawa: makabuluhan, mapagmalasakit, at tunay na nakakaramdam.

Magandang umaga po. Mabuhay ang manggagawang Pilipino.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star