Wala nang mabili sa dolyar ko!

Saan ko na kukunin ang panghulog ko sa nautang no’ng magkasakit ang isang anak ko. Paano ko pa matitiyak na matutuloy ang pag-aaral ng tatlo ko pang anak? Nagtitiyaga na nga lang ako sa mababang pasahod dito sa Libya, tapos nanganganib pa ang buhay namin ngayon…



Ito ang ilang hinanakit ni Mirriam, isang domestic worker sa Libya na napilitang umuwi ng Pilipinas laban man sa kanyang kalooban. Marami pang kakilala si Mirriam na matagal nang nagtatrabaho sa Libya, at katulad niya, napilitan na rin na umuwi ng Pilipinas dahil na rin sa kaguluhang nangyayari sa naturang bansa.



At kahit noon pa mang regular pang nakakapagpadala ng pera si Mirriam sa kanyang naiwang pamilya dito sa Pilipinas, matagal nang kapos ang kanyang ipinapadala dahil sa walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas. Malaganap ang paniniwalang nakakariwasa ag pamumuhay ng pamilya ng OFWs dito sa Pilipinas. Ngunit hindi ito totoo sa kaso ni Mirriam, at sa marami pang katulad niya.



Katulad din ng marami pang ibang overseas Filipino workers na nagtatrabaho sa mga bansa na kasalukuyang dumaranas ng kaguluhang politikal, biktima ang mga mangagawang migranteng ito ng overseas employment program na opisyal na sinimulan ng gobyerno ng Pilipinas noong 1974. Noon at ngayon, iisa ang papel ng migranteng manggawa—ang magpasok ng kailangang dolyar sa ekonomiya ng bansa, at iresolba ang kawalang kakayahan ng gobyerno na lumikha ng sapat na trabaho para sa kanyang mamamayan.



Bukod sa kagukuhang politikal sa mga bansang Arabo, marami na sa mga OFWs ang nagiging biktima ng mga sindikato sa iligal na gamot. Kamakailan lamang, may lumapit sa Kanlungan Center Foundation na OFW na nagtrabaho sa Peru, isang bayan sa South America.



May ilang kaso na alam ng ilan nating kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa ang hinggil sa paggamit sa kanila bilang “drug mule”, subalit kahit alam nila ang posibilidad na mapahamak, napipilitan silang gawin ito dahil na rin sa kawalang mapagpipilian. At hindi natin maiwasang magsimpatya sa mga ganitong pangyayari.



Walang ipinapakita ang kasalukuyang administrasyon ni P-Noy na alternatibong solusyon sa kalagayan ng OFWs, maging sa nagyayaring walang habas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hindi ito nakakapagtaka, dahil minsang ipinangako ng kanyang yumaong ina na si Corazon Aquino ang pagbaba ng presyo ng galung-gong noong dekada 80, subalit hindi natupad. Ang overseas employment na pangunahing programa ng itinuturing na kalaban sa politika noon ng mga Aquino na si Ferdinand Marcos ay ipinagpatuloy lamang ni Ginang Aquino.



Ngayong Mayo 1, sumama tayo sa iba pang manggagawa at magmartsa sa lansangan.



Sama-sama nating isigaw:



Itigil ang paggamit sa OFWs upang resolbahin ang kawalang trabaho sa bansa!

Itigil ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin!

Itigil ang walang puknat na overpricing sa langis!
Isulong ang pagpapaunlad ng ekonomiya at pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa!





Kanlungan Center Foundation, Inc. (KCFI)

May 1, 2011

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star