DOH pinag-iingat pa rin ang publiko kahit may ‘curve flattening’ ng COVID-19
By Bombo Christian Yosores -September 7, 2020 | 12:27 PM41
Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko sa kabila ng obserbasyon ng ilang researchers ukol sa flattening of the curve ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na kapag sinabing nag-flat na ang tinatawag na curve ng pandemya ay napabagal lang ang pagkalat nito, at hindi tuluyang natuldukan.
Nagbibigay daan din daw ito para makahabol ang health system sa sitwasyon, para maiwasan ang muling pagsirit ng mga kaso ng sakit.
“When we talk about flattening of the curve, it is spreading the number of cases in a longer period of time so that our health system will not be overwhelmed.”
“Kung titingnan natin yung graph diyan, ayaw natin na mag-spike yung graph ng mataas in a shorter period of time. Ang gusto natin, humaba ang period of time para sa mga kasong darating para ang ating health system ay maka-agapay.”
Kung titingnan umano ang indicators ng curve flattening, makikita na talagang may improvement sa COVID-19 situation ng bansa.
Sa ngayon ang transmission rate ng coronavirus sa bansa ay nasa 0.977, ang critical care utilization rate ay 50%, at 10.3-days ang case doubling time.
Ang mortality doubling time naman ay 14.9-days. Ayon kasali na rin sa itinuturing nilang indicator sa sitwasyon ng pandemya sa Pilipinas, ang tinatawag na attack rate o porsyento ng mga tinatamaan ng sakit mula sa populasyon, sa isang spesipikong panahon.
“Pero we have to remember our experts already said (that) yung case doubling time hindi siya masyadong sensitive ngayon lalo na mayroon na tayong community transmission in some areas in the country.”
“With all these indicators and factors that may affect it, at kung ano man ang mayroon tayo sa ngayon, hindi natin masabi. Its really not certain.”
Batay sa pag-aaral ng UP Octa Research group, sinabi ni Professor Guido David na nag-flatten na ang curve ng COVID-19 sa National Capital Region at Calabarzon.
As of September 5, nasa 1,742 na ang cumulative number ng COVID-19 clusters sa bansa. Ito yung mga lugar na nakikitaan ng concentration sa pagkalat ng sakit.
Pinakarami rito ang nasa komunidad, mga ospital at health facilities, jail facilities at other settings tulad ng public transportation at call centers.
Comments