Home > Pinoy Abroad > Buhay OFW 'Status symbol' na maging anak ng OFW, ayon sa NGOs

Walang tatay o nanay, pero hindi ulila. Ito ang mapangmatang turing sa mga anak ng migrant workers. Pero noon 'yun!

Ngayon, ang pagiging anak ng overseas Filipino worker (OFW) ay mistulang “status symbol" na.

Kahit tinaguriang walang nanay o tatay pero hindi ulila, tanggap na nila ang kanilang sitwasyon. Lahat ng komunidad sa Pilipinas, parami ng parami ang migrant-worker families.

Ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs noong 2001, umaabot sa siyam na milyon ang mga anak ng OFWs na menor de edad. Ito’y kumakatawan sa 27 porsyento ng populasyon ng mga bata sa taong iyon.

Sa isinagawang interview kamakailan sa iilang anak ng OFWs na kasapi ng Kakamppi (Kapisanan ng mga Kapamilya, Kaanak ng mga Migranteng Manggagawang Pilipino, Inc.), isang non-government organization na tumutulong sa migrant workers, lumilitaw na madali nang malunasan ang pangungulila ng mga bata sa kanilang mga magulang, bunga na rin ng mga maraming kadahilanan.

Ayon kay Ma. Fe Nicodemus, executive director ng Kakammpi, isa sa mga dahilan ay maraming benepisyo sa mga bata ang pagiging OFW ng kanilang mga magulang.

Isa pa rin, karaniwan na may OFW families sa halos lahat ng lugar sa Pilipinas—at tuloy-tuloy pang tumataas ang bilang.

Sabi niya, nakaaangat sa lipunan mga anak ng migrant workers kumpara sa pangkaraniwang mga batang kasa-kasama ang buong pamilya.

Sila ang may kayang magpa-enroll sa private schools. Karamihan sa kanila ay nakatira na sa sariling bahay na kumpleto sa makabagong appliances.

Sila rin ang may mga magaganda at mamahaling laruan at kagamitang luho katulad ng laptop computer, play station, Game Boy, cellphone, at iba pang entertainment gadgets kagaya ng MP3 o MP4, IPod.

Pero dati, tiningnan sila ng lipunan na mga batang dapat kaawaan, alalayan at bigyan ng special na atensyon dahil walang tatay o kaya’y nanay sa kanilang piling.

Ang dating kaisipan ukol sa OFW kids ay pinasinungalingan ng mga pagsusuring ginawa ng ibat-ibang mga organisasyon.

Ayon sa isang guro sa St. Mary’s Academy sa Sta. Ana, Manila, 27 hanggang 30 porsyento sa kanilang mga estudyante ay mga anak ng OFWs.

Sabi niya, wala naman siyang nakitang pagkakaiba sa mga ikinikilos nila. Sa katunayan, anya, mas-confident nga sila kasi kumpleto sa gamit at hindi pumapalya sa pagbabayad ng tuition.

“Magaganda at mamahalin ang kanilang mga gamit kumpara sa mga batang nandito sa Pilipinas ang mga magulang na hindi naman gaanong kalakihan ang kinikita," aniya.

Pinatotohanan din ang obserbasyong ito sa pag-aaral ng Scalabrini Migration Center sa isinagawang libro na pinamagatang Hearts Apart: Migration in the Eyes of Filipino. - GMANews.TV

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star