Daan-daang OFWs sa HK, nagprotesta vs random inspection sa balikbayan boxes
VIGAN CITY - Mariing kinondena ng daan-daang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong ang random inspection sa mga balikbayan box na naipapadala sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Ayon kay Lilibet Ursua, umaabot sa 200 Pinoy domestic helper ang nagtungo sa konsulada ng Pilipinas at nagsagawa ng kilos-protesta upang ipakita ang kanilang pagtutol na mabuksan ang kanilang mga padalang balikbayan box at ang posibilidad na pagtaas ng buwis ng mga ito.
Bitbit ang mga karatula na may nakasulat na "hands off to our balikbayan boxes," nagmartsa sila mula sa Chater Garden, Central patungo sa Philippine Consulate.
Hinggil dito, hiningi rin nila ang pagbibitiw sa puwesto ni Bureau of Customs Commissioner (BOC) Alberto Lina.
Dagdag pa ng mga OFWs, dapat ay isipin ng gobyerno ang bawat butil ng pawis na isinakripisyo nila para lamang may maipadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Ang kilos-protesta ang matiwasay na nagtapos at umaasa sila na mapapakinggan ang kanilang munting hinaing.
Comments