OFW ID, OK na kay Pangulong Duterte.
Ang OFW Identification Card System o mas kilala bilang OFW ID ay inaprubahan na nga ni Presidente Duterte noong nakaraang Pebrero 7 sa pulong ng gabinete.
Magandang balita ito, Kabayan! Bukod sa tulong na maidudulot nito sa pakikipagtransaksyon natin sa mga ahensya ng gobyerno, ang OFW ID ay magsisilbi ding debit card at credit card.
Ayon kay Secretary Silvestre Bello ng DOLE, ang OFW ID system ay isang malaking bahagi ng integrated DOLE system at naglalayong i-ugnay ang DOLE database sa database ng gobyerno katulad ng sa Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administartion (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), Commission on Higher Education (CHEd), at iba pang sangay ng gobyerno. Layunin nito na mapadali ang pag-verify ng dokumento ng OFW at masiguro ang katunayan nito. Bukod sa mga nasabing gamit ng OFW ID, maari rin itong gamiting beep card para sa pagsakay sa LRT at MRT.
Inaasahang magandang hakbang ito ng Duterte administration upang maayos at malinis ang proseso ng pag dokumento sa mga OFW. Maging ang mga certification sa training at iba pa ay madali na ring makikita online gamit ang OFW ID kaya mahihinto na rin ang paglabas ng mga pekeng dokumento.
Isa lamang ito sa pangako na tinutupad ng Pangulong Duterte. Maaalalang pinahayag ng pangulo na nais niyang unahin ang kapakanan ng mga makabagong bayani dahil sa hirap at pagod ng pagtatrabaho sa ibang bansa.
Excited ka na ba para sa iyong OFW ID, Kabayan? Kung may iba kang pananaw tungkol dito, maaari kang magbigay ng iyong komento o suhestiyon sa aming Facebook Page.
Comments