Karapatan sa pagbuo ng organisasyon, isabuhay ng manggagawa - DOLE
Hinihikayat ng Department of Labor and Employment ang mga manggagawa na isabuhay ang kanilang karapatan sa pakikiisa at pagbuo ng mga organisasyon at upang gamitin ng mga unyon at labor organization ang bagong online registration system ng kagawaran.
Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, ang ‘right to self-organize’ ay isa sa pangunahing karapatan ng manggagawa na tinitiyak ng konstitusyon habang patuloy na pinoprotektahan ng DOLE ang pagkakaroon ng security of tenure ng mga manggagawa.
“Paano natin mabibigyan ng tamang benepisyo at suweldo ang mga manggagawa kung wala silang unyon? Sa pamamagitan ng paggamit nila ng kanilang right to self-organize, ang mga unyon ay maaaring magkaroon ng collective bargaining agreements upang maiangat ang kondisyon sa trabaho at magkaroon sila ng mas magandang mga benepisyo,” wika ni Maglunsod.
Sa ginanap na training workshop on the Development/ Customization of DOLE BLR Online Union Registration System (DOLE-BLR-OURS) sa Maynila, sinabi ni Maglunsod na ang online registration ay isang makabagong teknolohiya na makapagpapabilis sa proseso ng pagbuo ng unyon at makapagbubukas sa kanila ng bagong pagkakataon at maaasahang sistema ng pagpaparehistro ng mga unyon.
Higit 50 employment officer mula sa iba’t ibang Regional Office ng DOLE ang lumahok sa nasabing pagsasanay kung saan binigyan sila ng kaalaman at ipinagamit ng aktuwal sa kanila ang bagong online union registration system.
Kasabay ng pagbibigay kahalagahan sa bagong sistema upang mas mapabilis ang pagpoproseso ng pagpaparehistro ng mga unyon, sinabi ni Maglunsod na hindi na kailangan pang bumisita ng mga lider ng unyon sa kanilang DOLE Regional Office dahil maaari na nilang ma-access at maiparehistro ng online ang kanilang mga unyon at Collective Bargaining Agreements (CBAs) sa pamamagitan ng paglog-on sa www.blr-ours.dole.gov.ph/.
“Nandito ang DOLE upang ipaglaban ang kapakanan at karapatan ng mga manggagawa na mag-self-organize at para pangalagaan ang kanilang security of tenure sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas madaling paraan ng pagbuo ng mga unyon,” ayon pa kay Maglunsod.
Liban sa pagbibigay ng mas pinadaling proseso ng pagpaparehistro, ang sistema ay may kapasidad rin na magdagdag, bumago at bumura ng mga tala, pag-queue ng aplikasyon, pag-authenticate ng user para sa kanilang data access control, audit trail, record search facility, paglilipat ng mga datos, pag-generate ng registration certificate at iba pang kahalintulad na dokumento, pagbibigay ng aktuwal at dati ng mga ulat, at auto-warn para sa mga mag-eexpire na CBA. Mayroon rin itong kapasidad para sa e-library of registration documents at approval facility.
Matapos ang proseso ng online registration, ang mga unyon ay bibigyan ng abiso ng DOLE hinggil sa estado ng kanilang aplikasyon kung sila ay kumpleto o may kulang pang mga dokumento o requirement, proseso ng pagbabayad, at ang detalye para sa pag-isyu sa kanila ng Certificate of Registration.
“Kasabay ng nagbabagong panahon, dapat rin tayong magkaroon ng paglinang sa ating sistema. Dati ay mayroon lamang tayong mga kwaderno; ngayon ito na ang technology era, ang proseso ay online na at malaki ang maitutulong nito sa ating mga manggagawa kung saan hindi na nila kailangan pang magpabalik balik sa DOLE Office para lamang makumpleto ang kanilang mga requirement,” dagdag pa ni Maglunsod.
Para sa karagdagang detalye, katanungan at requirement kaugnay sa online registration system, ang publiko ay maaaring maglog-on sa website ng Bureau of Labor Relations sa www.blr.dole.gov.ph/ o tumawag sa (02) 527-2551.
Comments