Tiniyak kahapon ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na tutulungan ang mga umuwing overseas Filipino worker mula sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) habang hinihintay ang pinal na aksyon ng korte sa mga hindi nabayarang sahod at iba pang monetary claim.
Sinabi ni Bello na patuloy ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagmo-monitor at pag-follow up ng kanilang money claims mula sa mga kompanya sa KSA na nahaharap sa suliraning pinansiyal.
“Mahal na mahal kayo ng ating Pangulo kaya sinisiguro namin ang inyong kapakanan. Ang OWWA ay palaging nakaantabay para tumulong sa inyo. Huwag kayong mag-alala dahil hindi namin kayo pabayaan,” ani Bello sa isang pagpupulong sa mga grupo ng OFW na dating nagtatrabaho sa Mohammad Al-Mojil Group (MMG) sa Saudi.
Sinabi nina OWWA Deputy Administrator Brigido Dulay at Atty. Ceasar Chavez ng OWWA Repatriation Assistance Division na nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Al Khobar para mapabilis ang pag-proseso ng monetary claims ng OFW sa korte sa Saudi.
“Kasama ako sa team na pinadala ni Secretary Bello para i- monitor at mag-follow up ng inyong claims at aming nalaman na kasalukuyang isinasalin pa sa ibang wika ang desisyon ng korte pero mayroon nang ilang desisyon na tatanggapin ang ating mga OFW,” ani Chavez, at kanyang tiniyak na tatanggapin ng OFW ang authenticated na desisyon ng korte sa Agosto.
Sinabi ni Dulay na kanilang inaasikaso ang mga kasong-paggawa na isinumite ng may 100 OFW na huling nagsampa ng reklamo para kanila ring matanggap ang mga sahod at benepisyong hindi ibinigay ng kanilang employer.
Samantala, hinikayat ni Bello ang OFWs na pumunta sa OFW Bank para makakuha ng micro-finance loans na siyang nangangasiwa sa remittances at iba pang pangangailangang pangbanko ng mga migranteng manggagawa.
“Sa October, nandyan na ‘yung OFW Bank, sa halip na na uutang kayo sa Landbank o sa iba pang banko, dito na lang sa OFW Bank dahil sa inyo talaga ito. Kapag nailunsad ang OFW Bank, pwede kayong mangutang dyan sa pondo ninyo sa OWWA para pambili ng share of stocks para maging part owner kayo. Gusto ko na lahat ng OFW ay may share dyan,” ani Bello.
Bilang karagdagan, ang OWWA kasama ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO), ay patuloy na tumutulong sa mga umuwing OFWs sa pamamagitan ng tulong-pangkabuhayan at pagsasanay.
END/ Abegail De Vega/GMEArce
Comments