Overseas Filipino Workers sa Hong Kong, aktibo sa health at fitness Jefferson Mendoza -- TFC News Hong Kong
HONG KONG - Hindi lang sa maayos na pagtatrabaho nakatutok ang mga Pinoy sa Hong Kong, binibigyang oras din nila ang ilang sports at hobby para mapanatili ang magandang kalusugan.
Kasagsagan pa ng pandemya noong Hulyo 2021 nang sumabak sa 100 peaks challenge sa Hong Kong ang OFW na si Alina Ilyn Vaso. 254 na kilometro ang hiking at may 18,000 meters na taas ang tuktok na kanyang inakyat na katumbas umano ng pag-akyat sa Mount Everest ng dalawang beses sa loob ng anim na araw. Dito niya napagtantong kaya niyang sumabak sa mahahabang hiking.
“Huwag po kayo matakot na sumubok sa mga ganitong patimpalak. Hindi natin alam mayroon din kayong potential sa pagtakbo. And ‘wag kayo matakot maghike dito po sa Hong Kong. Napakasafe po ang paghahike po. Napakaganda ng trail nila dito sa Hong Kong,” sabi ni Vaso.
Nitong Pebrero sumabak na rin siya sa trail running kung saan nanalo siya sa 100-kilometer trail run. Na-inspire tuloy ang Pinay na si Anna Rose Autor at sumabak na rin sa trail running.
Sumasali naman sa running events ang OFW na si Maria Aurora Cabania. Nag-third place siya sa 6-kilometer run kamakailan.
“Three years na rin ako nag-trail run pero hindi ako nagko-compete. Kaya this is the first time I got this award and I’m so thankful,” ani Cabania.
Lumalahok din ang mga Pinoy sa Hong Kong sa ibang health and wellness program. Nahumaling mag-yoga ang OFW na si Carol Gerry nang makitang nagpilates ang kanyang amo noong 2018.
Ngayon itinuturo niya ang yoga na in-upload sa isang streaming service. Naghahanap pa siya ng magagandang tanawin para sa yoga exercises.
“After doing yoga, I felt like recharged, relieved. Just like doing hiking, when I go hiking, ‘Oh, it’s fresh air’ like you’re satisfied.
Yoga is different. It is connected to your innermost part of your body so that’s how I feel. It’s deeper. I mean, I don’t know what to explain. The deeper sense of yoga is there,” kwento ni Gerry.
Mapa-hiking man, trail running o pagyo-yoga hangad ng mga Pinoy sa ibang bansa ang maayos at malusog na pangagatawan para sa sarili at sa kani-kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
Comments