Panukalang diborsyo tinalakay ng Senado Robert Mano, --- ABS-CBN News

MAYNILA — Bubuo na ng technical working group ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para sa isinusulong na panukalang diborsyo. Sa pagdinig nitong Martes, sinabi ng chair ng komite na si Sen. Risa Hontiveros na 1 sa bawat 4 na ikinasal na Pinay ang nakaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga asawa. Batay naman aniya sa 2018 survey ng Social Weather Stations, aprubado ng 53 porsiyento ng mga respondent ang diborsyo. "Marami sa kanila, ang pakiramdam, para bang nakakulong. Nasasakal. Hindi mapakali sa loob ng deka-dekadang pagkatali sa kanilang mga mapang-abusong asawa. Marami sa kanila, gusto lang makalaya mula sa apelyido na ang tanging dala ay masasamang alaala. Mga asawa, babae man o lalake na walang sustento, missing in action, mapanakit, mapang-api, at hindi tumutupad sa mga sinumpaan nila sa harap ng Diyos," ani Hontiveros. "Hindi iyan ang itinuro sa atin ng DIyos. Ang sabi nga ng iba, isang papel na lang ang nag-uugnay sa kanila. Bakit pa ipagkakait sa kanila ang kalayaan at hayaang makakulong sa isang relasyon na mapanakit, walang pagmamahalan at pagpapahalaga sa isa't isa?" dagdag niya. Sabi ni Sen. Raffy Tulfo, nakita na niya kung ano ang hirap at pagtitiis ng mga ikinasal na hindi na nagkakasundo. "Prior to my election as senator, I have seen countless persons stuck in toxic or unproductive marriages. They are left to suffer endlessly detrimental to [their] physical and psychological well-being. It is time to save Filipinos from this dead-end situation by enacting a divorce law," sabi ni Tulfo. Si Sen. Robin Padilla, na mismong nakaranas ng diborsyo, iginiit na bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino sa diborsyo. "At kung pagkakataong ito palagay ko kasi alam n'yo po, hindi naman sa ipinagmamalaki ko, pero ako po ay mismong nakaranas ng diborsyo. Ako po ay divorced sa aking ex-wife at kami namang 2 ay maligaya. Siya ay nakapag-asawa na at ako naman ay nakapag-asawa na. At ganoon din ang aming anak, maliligaya din. Di kami dumaan sa aso’t pusa, batuhan dito, batuhan doon. Di kami dumaan doon kasi kami malayang nakapagdiborsyo sa Sharia court," sabi niya. Naimbitahan sa pagdinig ang iba't ibang ahensiya ng pamahalaan kung saan nagpaabot sila ng suporta sa panukala. Paliwanag ni Social Welfare Asec. Irene Dumlao, dati nang sinusuportahan ng kanilang ahensya ang diborsyo. "The department has been consistent with each previous position to support measures that will legally end dysfunctional and toxic marriages and regain individuals' dignity and self-worth," aniya. Sabi ng taga-Philippine Commission on Women, bahagi ng kanilang priority legislative agenda ang diborsyo simula pa noong 17th Congress. At para sa Commission on Human Rights, pinoprotektahan ng diborsyo ang karapatan ng mga babae at lalaki na nasa magulong buhay may-asawa. Paliwanag ni Ambayanan Manding, chief ng Legal Assistance Division ng National Commission on Muslim Filipinos, ang diborsyo ang magpoprotekta sa lalaki, babae at kanilang mga anak na nasa magulo at abusadong relasyon. "The commission firmly supports the successful passage of all the bills for it will have monumental impact and contribution to Filipino families regardless of religious identity considering that we, the Muslims, practice divorce by presidential decree... The commission underscores the importance of freedom of marital couples to decide whether to sever marriage or not. They have the discretion to determine their marital relationships," sabi ni Manding. Pabor din ang Democratic Socialist Women of the Philippines sa diborsyo. Katunayan, sinabi ng kanilang naitonal chairperson na si Elizabeth Angsioco na noong unang beses na nai-file ang diborsyo ay agad na nila itong sinuportahan. Nagpahayag naman ng pagtutol ang Alliance for Family Foundaiton Philippines Inc o ALFI. Sabi ni Joel Arzaga, vice president ng ALFI, labag sa konstitusyon ang diborsyo dahil hindi nito pinalalakas ang pamilya. Ipinakikita din aniya ng mga pag-aaral na pinakaapektado sa diborsyo ang mga anak. Dahil isa lang ang tumutol sa panukalang batas sa pagdinig, inirekomenda ni Tulfo na imbitahan pa ang mga tutol sa diborsyo kabilang ang mula sa iba't ibang religious groups.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star