OFWs binigyan ng send-off party sa NAIA

Nagbigay ng send-off party ang pamahalaan sa mga umalis na Filipino workers (OFWs) sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules upang magtrabaho sa ibang bansa.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras, pinangunahan ni Labor Secretary Arturo Brion ang masayang paghahatid sa OFWs.

Ayon kay Brion, ang send-off party ay pagkilala ng pamahalaan sa malaking kontribusyon ng OFWs sa ekonomiya ng bansa.

Kung noong Disyempre ay nagkaroon ng engrandeng pagsalubong sa mga umuwing OFWs, dapat lang umano na magkaroon din ng salo-salo sa kanilang pagbabalik sa kanilang mga trabaho.

“Gusto natin na ma-assure sila (OFWs) na naalala natin ang kanilang pagbabalik. Ang mensahe natin sa mga kababayan na aalis, na 'yung mga pamilya nila sa abot ng ating makakaya ay mayroon tayong mga programa at projects para sa family circle," pahayag ni Brion.

Isa si Ariel Torres sa mga OFWs na mangingibang-bansa upang magtrabaho bilang electrician sa Saudi Arabia. Sa kabila ng kaunting pangamba ay umaasa siyang magiging matagumpay ang gagawin niyang sakripisyo na malayo sa kanyang pamilya.

“Malungkot pero wala tayong magawa, kailangan nating magtrabaho para sa bayan at pamilya," ayon kay Torres.

Samantala, balik-trabaho naman sa Saudi Arabia bilang supervisor si Virgilio dela Cruz.

Bagaman maganda ang trabaho, wala pa rin umanong papalit sa kasiyahan na makapiling ang kanyang pamilya.

Inaasahan ng DoLE na higit na maraming Pinoy ang mangingibang bansa ngayong taon kumpara noong 2007 kung saan umabot sa mahigit isang milyon ang bilang ng Filipinong manggagawa na umalis ng bansa.

Batay umano ito sa talaan ng DoLE kung saan mula Enero 1-14 ay umabot na sa 65,000 ang bilang ng OFWs na umalis ng Pilipinas.

Mahigpit naman ang paalala ng pamahalaan sa mga OFWs na tiyaking legal ang kanilang mga papeles bago umalis ng bansa. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star