OFW na nasawi sa pagsabog sa Riyadh, nakausap pa ng asawa sa Pinas bago ang trahedya


Hindi makapaniwala si Jocelyn Santiago na ang maigsing pag-uusap nila sa telepono ng kanyang mister na si Florentino Santiago ang magiging huli na.


Si Florentino, tubong Bulacan, ang Pinoy na kabilang sa 22 katao na nasawi sa pagsabog ng fuel truck na naganap sa Riyadh, Saudi Arabia.

Kwento ni Jocelyn, nang araw na maganap ang insidente sa Riyadh, nakausap pa niya ang ilang minuto ang kanyang mister.

Wala naman daw siyang naramdamang pag-aalala dahil masaya at kampante ang tinig ng kanyang mister na walang kamalay-malay na sasapitin ang trahedya ilang oras matapos ang kanilang pag-uusap.

Batay umano sa kwento ng mga kasamahan sa trabaho ng kanyang mister na tumawag sa kanya nitong Huwebes, nagpapahinga sa isang trak si Florentino nang sumabog ang isang trak na puno ng krudo.

“Sabi nila mga 200 meters ang layo nung kinalalagyan ng asawa ko sa pagsabog," ayon kay Jocelyn.

Nagsimula umanong magtrabaho sa abroad si Florentino noong 2008. Nitong nakaraang Marso, nagawang makauwi nito sa kanilang bahay sa Pandi, Bulacan.

Pagkatapos makapagbakasyon, bumalik din ito sa KSA para magtrabaho muli noong Abril.

Dahil sa nangyaring trahedya, hindi raw malaman ni Jocelyn kung papaano itataguyod ang pag-aaral ng kanilang dalawang anak – isang 15-anyos at isang limang-taong-gulang.

Kasabay nito, nanawagan ang ginang sa pamahalaan na tulungan silang maiuwi kaagad sa bansa ang mga labi ng kanyang mister.

Ayon naman kay Raul Hernandez, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, may mahigit 100 katao pa ang nasaktan sa naturang trahedya.

Kabilang sa mga nasaktan ay siyam pang Pilipino, at isa umano dito ay malubha ang kalagayan. -RRamos/FRJ, GMA News

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

Vietnam condemns China's 'brutal behavior' in fisher attack ---- Agence France-Presse

Africa roads are world’s deadliest despite few cars ---- AFP