Proteksyon ng mga OFW, isusulong ni PNoy sa Asia-Europe Meeting sa Laos


Ipinangako ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Linggo na isusulong niya ang mga karapatang-pantao ng overseas Filipino workers sa Europa sa kanyang pagdalo sa Asia-Europe Meeting (ASEM) sa Laos ngayong linggo.


Sinabi niya sa kanyang departure speech bago lumipad patungong Laos na sisiguraduhin niyang mapangalagaan ang trabaho at maprotektahan ang mga karapan ng mga OFW sa Europe, na ngayon ay dumaranas ng economic crisis.

"Maaaring mailagay sa alanganin at maipit sa usaping-pulitikal ang mga kababayan nating walang ibang nais kundi ang bigyan ng maaliwalas na buhay ang kanilang pamilya. Dapat lang na manindigan tayo para sa pangangalaga sa karapatang-pantao ng libu-libong OFWs sa Europa,” ayon pa sa Pangulo.

Ayon sa kanya, ang krisis pang-ekonomiya sa Europa ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng kooperasyon at matibay na ugnayang ng mga bansa.

“Kapwa nakikinabang ang ating mga rehiyon sa sipag ng ating mga migrant workers, kaya naman sa halip na magtayo ng barikada, hudyat ito upang humubog ng mas matibay na ugnayan kung saan lahat tayo ay makikinabang,” aniya.

Ayon kay Aquino, may nakatakda na siyang pagpupulong sa mga lider galing sa Switzerland, Poland, Norway at Italy -- na isisingit niya habang ginaganap ang dalawang araw na ASEM.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Overseas Employment Administration, mahigit 48,000 ang mga Filipino na ngayon ay nagtatrabaho sa Europe.  — LBG, GMA News

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star