Patas na imbestigasyon sa reklamong pang-aabuso vs Primavera, hiniling sa DFA at Malacañang
Hiniling sa pamahalaan ng isang retiradong Arsobispo ng Simbahang Katolika na magsagawa ng patas na imbestigasyon kaugnay sa reklamong pang-aabuso na isinampa ng isang kasambahay laban kay Philippine Ambassador to Kuwait Shulan Primavera.
Ang panawagan ay ginawa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emertitus Oscar Cruz, kasabay ng kanyang pagpuna sa mabagal na pag-usad ng imbestigasyong ng Department of Foreign Affairs laban kay Primavera.
Ayon sa isang Pinay overseas Filipino Worker (OFW) na nagsilbing kasambahay ni Primavera, hinawakan siya sa maselang bahagi ng katawan at hinalikan umano ng embahador sa magkakahiwalay na insidente.
Sa mga naunang panayam, mariing pinabulaanan ni Primavera ang mga alegasyon laban sa kanya. Inaasahang darating sa bansa ang embahador sa Miyerkules matapos ipatawag ng DFA.
Gayunpaman, hindi pa pormal na nasisimulan ng DFA ang imbestigasyon kay Primavera dahil hinihintay pa ang pahintulot ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil isang political appointee ang embahador.
Ngunit para kay Cruz, hindi na dapat hintayin ang pahintulot ni Aquino sa naturang usapin at dapat na isagawa kaagad ang imbestigasyon kay Primavera upang lumabas ang katotohanan.
"Bakit kailangan pang hintayin ang go signal ni PNoy? Bakit yun bang mga diplomat they are immune from criminal investigation?," tanong ni Cruz nang makapanayam sa Radyo Veritas nitong Martes.
“Kaya nga dapat imbestigahan para malaman ang katotohanan. At ang pakiusap lamang, walang kublihan, walang palakasan," dagdag niya.
Kasabay nito, hinamon ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP-NASSA, si Primavera na harapin ang reklamong isinampa sa kanya kung wala itong itinatago.
Naniniwala rin si Gariguez na hindi pagtatakpan ni Aquino ang mga itinalagang opisyal na nasasangkot sa kontrobersiya. - MP/FRJ, GMA News
Comments