Mahihirap, agarang mabibigyan ng PhilHealth sa mga pampublikong ospital
UPANG mabigyan ng proteksiyong pinansiyal lalo sa panahon ng pagpapagamot, gagawaran na ng PhilHealth membership ang sinomang mahirap na pasyente na mako-confine sa mga pampublikong ospital.
Ito ang inihayag ng PhilHealth sa Circular 32, s-2013 nito na nagkabisa Nobyembre 29, 2013 kung saan pormal na pinasimulan ang "point-of-care enrolment program" para sa mga hindi pa miyembro na kabilang sa Class C-3 o D.
Kasamang makikinabang ang mga kasalukuyang miyembro na walang sapat na kontribusyon at kabilang din sa nasabing economic classes.
Ang mga nabanggit kasama ang kanilang dependents ay bibigyan ng PhilHealth bilang Sponsored members kung saan ang kontribusyon na P2,400 ay buong-buong sasagutin ng pampublikong ospital. Ito ay matapos silang mapatunayang mahirap ng medical social worker sa panahon ng admission.
"Ito ay ipinapatupad na sa 85 retained hospitals ng Department of Health sa buong bansa at ito ay madadagdagan pa dahil sasali rin ang iba pang ospital na pinapatakbo ng mga lokal na pamahalaan" ani Alexander A. Padilla, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.
Umaasa ang PhilHealth na lalong mahihikayat nito ang mga mahihirap na magpagamot dahil may tiyak na tulong ang naghihintay sa kanila sa pagpapagamot. "Sana ay huwag nang magdalawang-isip ang ating mga kababayang mahihirap dahil bukod sa PhilHealth benefits ay wala na silang babayaran pang balanse dahil sa aming No Balance Billing policy" giit pa Padilla.
Sila ay nakatalagang magkamit ng inpatient at outpatient benefits maliban sa primary care benefit mula sa unang araw ng confinement hanggang sa huling araw ng taon.
Nilinaw pa ni Padilla na isusumite nila ang mga pumasa sa programang ito sa Department of Social Welfare and Development para sa posibleng pagtutuloy ng kanilang PhilHealth coverage sakali namang maitala sila sa Listahan ng mga Pamilyang Nangangailangan or Listahanan
Comments