Pagbitay kay Zapanta ngayong Enero, namimiligrong matuloy
Kung hindi maibibigay ang hinihinging ‘blood money’ na umaabot sa P17.5 milyon ay nanganganib na matuloy ang itinakdang pagbitay ngayong buwan sa isang Filipino worker sa Saudi Arabia na si Joselito Zapanta.
Ito ang sinabi ni Vice President Jejomar Binay kaya muli itong umapela sa lahat na tulungan silang makalikom ng pondo para sa blood money ni Zapanta.
“Once again, I ask everyone to help raise funds for Joselito Zapanta. Let us start this year by helping save the life of a fellow Filipino and bringing joy to his family,” Binay, presidential adviser on migrant workers’ concerns.
Sabi ni Binay, posibleng mabitay si Zapanta ngayong buwang ito dahil napaso ng ang deadline ng pagbabayad ng blood money noong Nobyember 3.
Mahigit sa dalawang milyong Saudi Riyal ang hinihingi ng pamilya ng isang Sudanese national na napatay ni Zapanta noong 2009.
Sa pinakahuling ulat, napag-alaman kay Philippine Ambassador to Saudi Arabia Ezzedin Tago na sa kasalukuyan ay aabot pa lamang sa 520,831 Saudi riyal o katumbas ng P6.1 milyon ang nalilikom na blood money.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Raul Hernandez na hindi pa rin sumusuko ang pamahalaan para masagip si Zapanta sa parusang kamatayan laban dito.
Comments