Sa kabila ng gulo, trabaho tuloy pa rin para sa mga OFW sa Libya
MAYNILA - Ayaw munang umuwi ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Libya sa kabila ng nagaganap na labanansa Tripoli.
Ayon kay Ramon Galang, isang OFW na 31 taong nang nagtatrabaho sa Libya, hindi pa umano delikado ang sitwasyon doon at isolated naman ang mga putukan.
"Hindi pa naman po namin pwedeng sabihin na delikado. Tuloy-tuloy pa naman ang trabaho sa oil and gas industry, sa malalaking kumpanya, hindi pa naman pinapa-stop mag work," sabi ni Galang sa panayam sa DZMM Martes ng umaga.
Lunes nang magpalabas ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipinong nasa Tripoli at kalapit na mga lugar na ikonsiderang umuwi sa Pilipinas.
Itinaas ng DFA ang Alert Level III o voluntary repatriation para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino sa Libya.
"Ang naitutulong lamang ng ating embahada ay precautionary measures kasi hindi naman lahat pwedeng umuwi kasi nga ang isang problema natin pag umuwi ka sa Pilipinas, tigil-trabaho...dito na lang po kami," sabi ni Galang.
Sa mga may trabahong Pinoy sa Libya, sabi ni Galang na mas gugustuhin muna nilang pumirmi sa kabila ng gulo.
"Siguro yung gustong mag-volunteer ay yung mga ibang Pilipino na matagal na dito na walang trabaho tapos gustong makalibre ng ticket. Yun siguro ang mga gustong umuwi. Pero yung mga Pilipino na nagtatrabaho sa oil and gas industrial sector ay ayaw namang umuwi," aniya.
Marami umanong mga Pilipinong nasa Libya ay mga medical worker, mga engineer at highly-skilled.
Comments