Skip to main content

OFW sa KSA na hinalay umano ng manugang ng amo, naglaslas ng pulso para makatakas


Walang ibang naisip na paraan ang isang babaeng OFW sa Jeddah, Saudi Arabia kung hindi ang saktan ang sarili para makaalis sa bahay ng kaniyang amo. Ang biktima, hinalay umano ng kaanak ng kaniyang amo.
"Hindi ko na makayanan, kung anu-ano na ang naiisip ko. Gustong-gusto ko nang makatakas sa bahay na 'yon. Ang tanging paraan lang para makaalis sa bahay na 'yun ay maglaslas ako," sabi sa GMA News ng OFW na itinago sa pangalang "Jinky."
Ayon kay Jinky na nasa pangangalaga na ng awtoridad ng Pilipinas, isinumbong niya sa kaniyang amo ang ginawang panghahalay sa kaniya ng  manugang nitong lalaki pero hindi siya pinapaniwalaan.
Nakiusap umano siya sa kaniyang amo na ibalik na lang siya sa kaniyang agency pero tumanggi ang amo at iginiit na dapat daw muna siyang magbayad ng 40,000 SAR.
Hindi umano siya makatakas dahil ikinakandado ang pinto ng bahay, sabi pa ni Jinky, na apat na buwan pa lang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Nang hindi pa rin umano pinansin ng kaniyang amo ang ginawa niyang pagpapakagutom o "hunger strike," nagpasya na siyang maglaslas ng pulso.
Dahil dito, dinala siya ng kaniyang amo sa pulisya dahil ipinagbabawal sa naturang bansa ang pagpapatiwakal.
"Akala ko kung saan ako dadalhin. Ang sabi ng amo ko magbabakasyon lang ako hindi ko alam na sa kulungan na pala ako dadalhin. Nabanggit ko po sa amo ko na nagahasa ako pero ayaw niya maniwala sa akin," kuwento pa ni Jinky.
Ayon kay Consul General Edgar Badajos, labag sa batas at may kaukulang parusa ang tangkang pagpapakamatay sa Saudi Arabia.
"Pagkakulong [ang parusa]. Hindi naman masyadong mabigat, mga one year, and hindi rin natin sigurado kung may kasama na palo dahil i-a-assess pa ito ng korte. Pero alam namin 'yung iba ay may lashes," paliwanag niya.
Matapos ang negosasyon, pumayag ang Saudi police na ipagkatiwala sa mga pamamahala ng Pilipinas si Jinky.
Hindi na umano magsasampa ng reklamo si Jinky sa nangyari sa kaniya dahil ang tanging hangad niya ay makauwi na lamang sa bansa.
Nakatakda na umanong pabalikin sa bansa ang OFW sa susunod na linggo, ayon kay Badajos. -- Ronaldo Concha/FRJ, GMA News

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star