Konsuladong Panlahat ng Pilipinas sa Jeddah Nagbabala Laban sa mga Nag-Aalok ng Repatriation Kapalit ng Pera
03 Setyembre 2013 - Nais pong bigyang linaw ng Konsuladong Panlahat ng Pilipinas sa Jeddah ang napabalitang pagsundo sa mga undocumented overseas Filipino workers (OFWs) sa tinaguriang “Tent City” ng Jawazat nitong mga nakaraang araw upang sila raw ay pauwiin sa Pilipinas. Diumano, ang pagsundong ito ay utos ng hari upang mapabilis ang pag-uwi ng mgaundocumented OFWs sa Pilipinas.
Ang impormasyong ito ay kinumpirma ng Konsulado sa Jawazat. Ayon sa Jawazat, walang ganitong utos ang hari at walang sinuman ang makauuwi ng hindi dumaan sa proseso na naaayon sa kasalukuyang repatriation at regularization program.
Wala ring kinalaman ang Konsulado sa mga pangyayaring ito. Kung mayroon mang mga bagong proseso sa pagpapa-uwi ay agad itong ipagbibigay alam ng Konsulado sa publiko.
Ayon sa impormasyong nakalap ng Konsulado, ang mga undocumented OFWs na sinundo diumano ng Jawazat ay nagbigay ng hindi bababa sa 100 Riyals. Totoong sila ay dinala sa airport ngunit hindi rin sila nakaalis.
Inuulit po namin na ang pagpapa-uwi ay walang bayad at ang sinumang nabigyan ng exit visa at walang kakayhang bumili ng tiket ay maaring humingi ng tulong sa Konsulado.
Huwag magpaloko. Hindi kailangan magbayad upang malagyan ng “reference number” ang Travel Document, makapagpa-fingerprint o kaya ay mabigyan ng exit visa.
Pinaalalahan rin po ang ating mga kababayan sa Saudi Arabia na hindi agad agad mabibigyan ng exit visa o kaya ay tiket pauwi. Kinakailangang dumaan sa proseso. Ginagawa po ng Konsulado ang lahat upang mapabilis ang proseso.
Kung kayo ay nabiktima, maaring kayong humingi ng tulong sa Konsulado. Kung kayo ay may impormasyon tungkol sa mga manloloko, makipag ugnayan sa Konsulado. Tumawag lamang sa telepono bilang 02-6198478 o kaya ay pumunta sa Assistance-to-Nationals Section (ANS) sa ikalawang palapag ng Konsulado. WAKAS
Comments