Speech of President Aquino at the Outstanding Agency Awards of the Philippine Overseas Employment Administration



Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Outstanding Agency Awards ng Philippine Overseas Employment Administration
[Inihayag sa Bulwagang Rizal, Palasyo ng Malacañan, noong ika-10 Pebrero 2014]
Sa huling pagtataya ng Department of Foreign Affairs, umaabot na sa 6.3 milyon ang mga Pilipinong rehistradong na nasa labas ng ating bansa. Wala man po sila ngayon dito sa Pilipinas, malayo man po ang kanilang kinalalagyan, malinaw na malinaw ang ating paninindigan: Kabilang sila sa ating mga Boss. Kasama sila sa mga nagtitiwala sa atin na pangalagaan ang kanilang mga karapatan; sumaklolo at magbigay-lingap sa oras ng kanilang pangangailangan; at magpalawak ng pagkakataon para sa propesyunal at personal nilang pag-unlad.
Isipin po natin sandali ang kanilang kalagayan: Nagtatrabaho sila sa isang lugar na iba ang pagkain, iba ang wika, iba ang kaugalian, at iba ang kultura. Malayo sila sa kanilang pamilya, kaibigan, at nakasanayang paraan ng pamumuhay. Dahil dito, lalong nagiging mahalaga para sa kanila na maramdaman mayroon silang pamahalaang mapagmalasakit—isang pamahalaang handang manindigang, “Hindi sila nag-iisa.”
Kaya nga po, sa araw na ito, binibigyang-pugay natin ang mga inisyatiba ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Malinaw ang mga ambag nito sa pagpapakita ng bagong mukha ng isang gobyernong may malasakit na gobyerno sa kababayan nating nasa ibang bansa. Partikular kong babanggitin ang mga bagong-lagdang Bilateral Labor Agreements kasama ang Germany, Papua New Guinea, Saudi Arabia, Canada, at New Zealand. Ang mga kasunduang ito ang magtataas sa antas ng ating kakayahang mangalaga sa kapakanan ng ating mga OFW; nakatutok ang mga ito sa regulasyon ng placement fee at salary deduction, palitan ng impormasyon tungkol sa karanasan sa job placement, at etikal na proseso ng recruitment. Para naman sa mga nagbabalik na OFW, nariyan po ang ating Reintegration Program. Alam naman po natin ang takbo ng kapalaran: May mga kababayan tayong buong-buhay na nagpapakahirap sa ibang bansa para magpundar ng negosyo. Napakasaklap po kung lulubog ang negosyong ito. Sa Reintegration Program, makatatanggap sila ng mga training na tutulong sa kanilang maunawaan ang iba’t ibang aspekto ng pagnenegosyo. Maaari rin silang mag-loan ng mula 300,000 hanggang dalawang milyong piso sa tulong ng reintegration fund mula sa Landbank. Sa dagdag na kapital, mas lalawak ang pagpipilian nilang mga negosyo. Mahusay rin po ang agaran at mabilisang pagtugon sa mga kasong isinampa laban sa mga lisensiyadong recruitment agencies. Ayon nga sa natanggap kong ulat, nitong nakaraang taon lang, 2,940 na sa mga kasong lumapag sa kanilang mesa ang naresolbahan ng ating Department of Labor and Employment.
Sa mga pribadong ahensiya naman na pinararangalan ngayong araw, taos-pusong pasasalamat ang nais kong iparating sa inyo. Alam po natin: May ilan sa ating employment at manning agencies, kung ituring ang ating mga kababayan, parang naglalakad na pitakang puwedeng pagkakitaan, at saka kakalimutan kapag hindi na mapapakinabangan. Kapuri-puri po ang inyong mga makabagong programang nagsisiguro na ang kaalaman at husay ng ating mga kababayan, ay may karampatang sahod at tungkulin sa makukuha nilang trabaho. Wala rin kayong kung anu-anong mga kaltas at hokus-pokus, kaya naman hindi nababaon sa utang ang mga Pilipinong nangingibang-bayan para tuparin ang kanilang mga pangarap. Humahanga rin po ako sa mga inisyatiba ninyo upang mapaunlad ang kakayahan ng mga OFW na masigurong mayroon silang pag-usad sa mga napili nilang karera. Special mention rin po dapat ang Atlantic Gulf and Pacific Co. of Manila Inc. dahil natutulungan ninyo ang mga kababayan nating makakuha ng angkop na trabaho at suweldo pagbalik nila sa Pilipinas.
Higit sa lahat, sa inyo pong mga pinarangalan ngayon: Kayo ang nasa frontline ng pagtukoy sa mga bagong oportunidad na maaaring buksan para sa ating mga kababayan. Matagal na kayong nagbibigay-serbisyo sa ating mga kapwa Pilipino; umaasa akong lalo pang titibay ang inyong pagiging lingkod-bayan, lalo pa kayong makikiambag, at lalo pa tayong magtutulungan para maabot ang ating kolektibong pangarap. Sa ngalan ng mga natulungan ninyong OFW at ng kanilang mga mahal sa buhay, maraming-maraming salamat sa inyo.
Sinisikap nating mapalawak at mapaunlad pa ang ating ekonomiya, upang mapabilis naman ang pagdating ng araw na ang mga pangarap na maaabot lamang sa pagiging OFW, ay bubukas at maaabot na rin sa pananatili sa Pilipinas. Palapit na po tayo nang palapit sa hangaring ito. Hindi po tumatamlay ang ating pagsisikap para sa mas epektibong deployment ng ating mga kababayan, sa pangangalaga ng kanilang karapatan, at sa pagpapalawak ng mga pagkakataon para sa mga nais mangibang-bayan. Patunay ang araw na ito: Basta’t tuloy lang po ang tulungan sa pagitan ng iba’t ibang sektor, basta’t tuloy lang ang ating pagtupad sa dakilang tungkulin ng paglilingkod sa mamamayang Pilipino, nasaan mang panig sila ng mundo—talaga naman pong lalong mapapabilis ang ating kolektibong pag-angat, at lalong magiging abot-kamay ang mas magandang kinabukasan para sa ating mga Boss.
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star