Pinay worker sa Saudi na binugbog, pinagsamantalahan at ibinenta, nagpapasaklolo


Kalbaryo ang sinapit ng isang Pinay household worker sa Saudi Arabia na humihingi ngayon ng tulong dahil bukod sa pinagbubugbog ng amo, ilang ulit nang ibinenta at pinagsamantalahan pa ng kaniyang agent.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, makikita sa video ang pagsusumamo ni Bea, 38-anyos, na namasukan noong 2017 para sa tatlo niyang anak.
"Andami ko na pong naging amo. Pinagpapasa-pasahan na po nila ako. Nakaranas po ako ng pambubugbog po sa pangalawang amo ko po. Tapos po kinulong nila ako ng isang buwan," nagmamakaawa at naiiyak na sabi ng OFW.
"Noong unang binenta siya, humihingi na siya ng tulong," ayon sa kapatid ni Bea.
Isinalaysay ni Bea sa kapatid na pinagsasamantalahan siya ng mismong agent niya sa Saudi sa tuwing isusuko siya ng employer sa kaniyang recruitment agency.
Matapos nito, ibebenta ulit siya sa ibang employer.
Dagdag pa ng OFW, ikinukulong din siya at hindi pinapakain kung minsan.
May pagbabanta pa ang kaniyang employer na ipapapulis siya kapag nagkamali siya sa trabaho at ibebenta ulit sa iba pang amo.
Nag-aalala ngayon ang mga kaanak ni Bea sa kaniyang sitwasyon.
Nangangamba sila na baka hindi na mahanap si Bea kapag ibinenta ulit sa ibang amo.
"Mahirap daw hanapin 'yung kinaroroonan ng ate ko dahil hindi rin niya alam kung saan siya dinadala eh. Magmamakaawa na naman po siya na i-rescue siya kasi hirap na hirap na po siya eh," sabi pa ng kapatid ni Bea.
Ilang ulit nang nakipag-ugnayan ang mga kamag-anak ng OFW sa recruiter niya rito sa Pilipinas pero hindi na nila mahanap, at sarado na rin ang recruitment agency na kaniyang pinag-apply-an.
Lumapit na rin ang mga kamag-anak ni Bea sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
"Ang pinakakailangan dito na maagap ay puntahan 'yung area. Iko-coordinate din natin sa Philippine Labor Office, sa POLO at sa ating welfare officer on the ground. Siyempre, sa embahada din natin, idudulog din natin kay Ambassador Alonto, at kay Labor Atashey Mustafa 'yung sitwasyon na ito na kailangan maagap na masagip" sabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac. —Jamil Santos/ LDF, GMA News

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star