Pinoy seaman patay nang mahulog sa dagat sa Italy


Sa lalim na 13 metro nahanap ng rescue divers mula sa Vigili del Fuoco di Livorno (Livorno Fire Brigade) ang katawan ni Marvin Galero. Larawan mula sa Vigili del Fuoco di Livorno
Patay ang isang 26 anyos na seaman matapos mahulog sa dagat habang naglilinis ng bintana ng barko noong Setyembre 5 sa Livorno, Italy.
Nakilala ang Pinoy na si Marvin Galero, seafarer ng cruise ship na Vision of the Seas.
Ayon sa mga saksi, bandang alas-11:30 ng umaga nang mahulog si Galero mula sa pinakamataas na deck ng barko habang naglilinis ng bintana.
Agad na dumating ang rescue divers ng Vigili del Fuoco di Livorno (Livorno Fire Brigade) matapos makatanggap ng tawag mula sa commander sa control room ng barko.
Matapos ang mahigit 2 oras na search and rescue operations, natagpuan sa ilalim ng dagat ang labi ni Galero sa lalim na 13 metro.
Hindi pa rin tiyak ang dahilan ng pagkahulog ng marino. Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung may pagkukulang sa safety measures habang naglilinis ang Pinoy.
Mandatory na naka-harness kapag may outboard operations kaya palaisipan kung paano nahulog si Galero.
May taas na 30 metro ang pinagbagsakan ni Galero mula sa deck.
Pangatlo sa 9 na magkakapatid si Galero at 3 taon nang seaman. Naghihinagpis ang pamilya Galero nang matanggap ang balita mula sa agency.
“Hihingi pa kami ng tulong. Hinding-hindi namin matanggap ang nangyari. Wasak na wasak kami. Sobrang sakit po talaga,” ayon sa nakatatandang kapatid ni Galero na si Yenyen.
“Ang mama at papa ko hindi pa rin matanggap at lalo na rin kami. Sobrang sakit po. Kung puwede lang sana ibalik ang oras para nandito pa rin siya.”
Ayon sa lokal na pahayagan sa Livorno, sinimulan na ang autopsy sa labi ni Galero. Iimbestigahan din ang apat katao kabilang ang kapitan ng barko sa posibleng kasong manslaughter.
Hiling naman ng pamilya Galero na maiuwi agad ang labi ni Marvin.
“Pina-process pa namin ang katawan niya sa ngayon para maiuwi na siya dito sa amin,” dagdag ni Yenyen.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star