Trabahong bubuksan ng Canada para sa mga Pinoy, aabot umano ang sahod mula P80k hanggang P300k
- Get link
- X
- Other Apps
PUWEDE PANG DALHIN ANG PAMILYA
Setyembre 11, 2019 8:34pm GMT+08:00
Inatasan umano ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kinauukulang ahensiya na bilisan ang pagrepaso sa mga kailangang gawin upang makapagpadala na mga manggagawang Filipino sa Canada.
Inanunsyo ito ni Bello sa isang pahayag kasunod ng pinirmahan niyang joint communique kasama ang mga opisyal ng Yukon, Canada para sa deployment ng 2,000 skilled OFWs bawat taon sa naturang bansa.
“Naglalaman ang joint communique sa Yukon, Canada ng kanilang hiling para sa 2,000 skilled worker kada taon,” sabi ng kalihim na nagtungo sa Canada nitong nakaraang buwan.
“Ang mga Pilipino doon ay very prosperous, at very happy. Kinausap ko ang bawat isa sa kanila, at lahat sila ay masaya at well taken care of,” dagdag ng kalihim.
Aabot umano ang suweldo mula P80,000 hanggang P300,000 para sa mga bubuksang trabaho na para sa mga Pinoy ng heavy equipment operator, nurse, cook, chef, engineer, caregiver, call center agent at iba pang lokal na oportunidad sa trabaho.
Bukod dito, maaari pa umanong dalhin ng OFW sa Canada ang kanilang pamilya.
RELATED STORIES
2,000 jobs for Pinoy skilled workers to be made available annually in Yukon, Canada
Total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait, idineklara ni Bello
Total deployment ban may push Kuwait to sign agreement to protect Pinoy workers —DOLE
“Mas gusto ng mga Canadian ang mga Pilipinong manggagawa dahil sa kalidad ng trabaho at sipag nating mga Pinoy. Mahalaga rin sa kanila ang family bond, kaya naman hinihikayat nila ang mga manggagawa na isama ang kani-kanilang mga pamilya sa Canada at tutulungan silang makapasok sa nasabing bansa,” pahayag pa ng opisyal.
Ang mga interesadong aplikante ay dapat na fluent o mahusay sa English, mayroong naaayon na job degree, may sapat na pagsasanay, at physically at mentally fit.
Matapos ang pirmahan ng kasunduan, inatasan umano ni Bello si si Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang pabilisin ang deployment ng mga manggagawa sa Yukon, at maging ang pagpoproseso ng mga Overseas Employment Certificate (OEC) para sa mga magtatrabaho sa Vancouver at Toronto.
Sinabi rin ng kalihim na nais nang lumagda ng mga opisyal sa Yukon ng isang bilateral agreement upang gawing pormal ang deployment ng mga OFW sa Yukon, Canada. Gayunman, hiniling daw ni Bello na bumisita ang mga ito sa Pilipinas para dito gawin ang paglagda sa kasunduan.--FRJ, GMA News
Comments