Mag-ingat sa mandarayang ahensya

Ahensiya ang unang pumapasok sa isip ng bawat Pilipinong nag-iisip magrabaho sa ibang bansa. Sila ang madalas magsilbing daan para makaalis ang isang Pilipinong manggagawa. E kasi nga naman, hindi madaling humanap basta-basta ng amo. At kung makakuha ka naman, hindi rin madali para sa isang amo ang mag-direct hire ng isang Pilipino.

Samakatuwid, wala tayo halos "choice," ika nga, kundi dumaan sa mga employment agencies.

Dahil dito ay sangkatutak ang mga ahensiya sa Pilipinas, at iba-iba ang destinasyong kanilang inilalako.

Dito man sa Hong Kong ay hindi rin mabilang ang mga ahensiya. At dahil mga Pilipino pa rin ang pinakamalaki ang bilang sa mga migranteng manggagawa dito, natural lang na tayo din ang pagtuunan ng pansin ng mga ito.

Mahigpit ang pagpapatupad ng mga batas ng Hong Kong, kaya marami ang nag-iisip na hindi sila basta-basta maloloko ng mga tiwaling rekruter.

Ito ang aking naging pagkakamali.

Naka-sampung taon na ako dito sa Hong Kong noong 2005 nang ako'y unti-unti mawalan ng gana. Alam ko naman at tanggap na pagka-katulong ang ipinunta ko dito, pero habang tumatagal ay parang nagsasawa ako. "Same old things," ika nga. Araw-araw ay ganoon na lang lagi ang ginagawa.

Noon nabalitaan ng ate ko na nandito din na may isa daw agency dito na nagre-recruit papuntang Korea. Factory worker daw ang offer, at malaki ang suweldo.

Sa aming pagtatanong-tanong, nalaman namin na ang interview ay sa isang kilalang ahensiya sa Wan Chai, kaya agad naming naisip na legal ito. Hindi na kami nag-aksaya ng oras, at agad pumunta sa opisina nito noong Enero 1, 2006.

Bukas ang opisina kahit holiday noon. May isang mama kaming nadatnan na nagpakilalang siya daw si Mr Wong na siyang nagre-recruit para sa Korea. Sinabi niya na ang trabaho daw na naghihintay sa amin ay sa pagawaan ng cell phone.

Para makasiguro kaming hindi kami lolokohin ay hiningi namin ang kanyang HK ID, at agad naman siyang gumawa ng kopya nito at ibinigay sa amin. Tinanong din namin kung may resibo siyang ibibigay at sinabi naman niyang meron. Ang gamit niyang resibo ay doon sa agency na talagang nag-oopisina doon kaya lalong nawala ang duda namin ng aking kapatid.

Sinabi ni Mr.Wong na `per batch" daw ang pagpunta sa Korea, at 150 katao daw ang kinukuha sa bawat batch.

Dahil sa pag-aalala na hindi ako makakaabot sa unang batch ay nag-aplay na ako agad. Sa sumunod na Linggo ay nagbayad na din ang ate ko. Ang kabuuan daw ng aming babayarin ay $7,500 at kailangan naming mag-deposito agad ng $2,000. Babayaran na lang daw namin ang balanse buwan buwan kung nasa Korea na kami.

Ang pinaka-maganda sa sinabi niya ay bale Php49,000 ang sasahurin namin buwan-buwan, at walong oras lang ang trabaho. Sabi din niya ay libre na daw ang aming tirahan at pagkain.

Pagkabayad namin ay sinabi sa aming tatawagan na lang kami kapag dumating na ang aming kontrata mula sa Korea.

Pagkaraan ng dalawang Linggo ay tinawagan na kami ni Mr. Wong, dahil dumating na raw ang kontrata. Pumunta kami kaagad ng ate ko doon sa kanyang opisina at doon namin nakita na marami pa lang aplikante, kaya ganoon na lang ang saya naming lahat.

Nangarap na rin ako sa laki ng sasahurin ko doon. Naisip ko rin na sa wakas ay maiiba na ang takbo ng trabaho kong nakakasawa at halos wala nang pahinga. Naisip ko, madadagdagan na rin ang aking kinikita. Magkakaroon na nang pagbabago ang buhay ko.

Sinabi ni Mr Wong na sandali lang ang pagproseso ng visa kaya excited kami ng ate ko, at kabilang na rin ang mga kapwa ko Pilipina na nakilala ko sa opisinang iyon. Pero panis na kami sa kahihintay ay wala pa ring kontrata na dumarating. Noon nag-umpisa ang alingasngas na wala raw trabahong naghihintay sa amin sa Korea.

Agad kong tinawagan ang ahensiyang ginamit ni Mr. Wong, at nakausap ko ang may-ari.Tahasan nitong sinabi na hindi totoong may trabaho para sa amin sa Korea. Kaya raw niya pinaalis doon si Mr. Wong ay dahil nasisira na ang pangalan ng kanilang agency dahil ginagamit nito. Iminungkahi pa nito na bawiin namin ang lahat ng binayad namin.

Sinubukan kong tawagan si Mr Wong para iparating ang mga naririnig namin pero sinabi nitong naninira lang ang ahensiya. Lumipat na raw siya ng opisina sa tabi mismo ng ahensiya at doon na ito tatanggap ng mga aplikante. Pagkaraan ng isang linggo ay sinabi na naman nito na lumipat siyang muli ng opisina, pero sa building ding iyon..

Habang tumatagal ay lalo kaming nagdududa. Kapag itinatanong namin kung bakit wala pa iyong visa namin at sinasagot kaming may problema ang papeles ng ibang aplikante. Kaya nadadamay ang lahat ay dahil per batch nga raw ang pagtanggap sa mga aplikante.

Minsan, naisipan kong pumunta sa bago niyang opisina at doon ko nakilala ang iba pang mga aplikante. Isa sa kanila ay may kaibigan na umuwi para magbakasyon. Sinabihan daw sila na pwede nang pumirma sa kontrata ang kaibigang nandito, bagay na pinagtakhan ko nang labis.

Pagkaraan ng ilang Linggo, tumawag uli ako at wala ng sumasagot sa linya nito sa opisina, gayundin sa kanyang cellphone. Noon din ay nagpasya kami ng ate ko na bawiin na lang ang perang ibinayad namin. Ang problema lang ay hindi na namin alam kung paano hahagilapin si Mr. Wong.

Nag-text ako sa kaniya at sumagot naman. Sinabi niyang nasa Korea siya at inaayos ang mga papeles namin. Sinabi kong gusto ko nang kunin ang pera namin pero nangako siyang makakaalis din kami dahil nilalakad naman niya ang aming aplikasyon. Nang magpilit ako na bawiin ang aming pera ay sinabi niyang isasauli niya pagbalik sa HK.

Pero ilang linggo matapos ito ay hindi na siya sumasagot sa aking mga text. Kinabahan na ako. Sayang din naman ang mga pera namin.

Hindi ko na alam kung ano ba ang dapat na gawin. Ayaw naman namin na hayaan nalang ng ganon ang mangyayari. Sabagay, hindi naman kalakihan ang $2,000 pero sayang din. Hindi naman namin basta pinulot lang iyon. Isa pa, paano na kung patuloy pa rin ang gagawin niyang panloloko sa mga kapwa kong Pilipina? Alam ko na ang damdamin ng maloko, hahayaan ko rin bang mararanasan ito ng mga kababayan ko?

Una akong lumapit sa The Sun, at nalaman kong hindi ako ang unang nagreklamo sa kanila tungkol kay Mr. Wong. May mga sulat na rin daw silang natanggap mula sa iba pang pinangakuan nito ng trabaho sa Korea. Sa kanila ko nalaman na walang nakalaan na trabaho sa Korea para sa mga katulad naming nasa HK dahil mula sa Pilipinas ang lahat na pumupunta doon para magtrabaho. Isa pa, gobyerno sa gobyerno ang usapan ng Pilipinas at Korea kaya walang mga ahensiya ang pinapayagang mag-recruit ng mga Pilipino para doon magtrabaho, liban sa isa o dalawa na naka-rehistro sa POEA.

Alinsunod sa payong aking natanggap, lumapit ako sa Konsulado, sa pulis at sa Department of Labor dito. Doon ko nalaman na hindi pala rehistrado ang ahensiya ni Mr. Wong. Pinayuhan ako sa Labor na mag-file ng claim sa Small Claims Tribunal na siya ko namang sinunod. Pero hindi sumipot si Mr. Wong sa araw ng pagdinig ng aking reklamo.

Nang inireport ko ito sa pulis sa Wanchai, kinuha lahat ang hawak naming mga resibo. Sinabihan ako na i-text ko ang recruiter at sabihin kong ini-report na namin siya. Ganoon na lang ang takot ko nang sagutin ako ni Mr. Wong ng: "You'll pay for this."

Pagkaraan ng ilang linggo, pinapunta ako at tatlo pang nagreklamo sa police headquarters sa Hung Hom, at tinanong ang bawat isa sa amin ng isang oras, kaya bale apat na oras kami doon. Paulit-ulit ang ginawang pagtatanong sa amin, pero sa bandang huli ay sinabihan kaming huwag matakot. Kinuha ang mga hawak-hawak naming resibo, at sinabing malaking ebidensiya na iyon laban kay Mr. Wong. Sila na raw ang bahalang ipursigi ang kaso.

Pagkaraan ng ilang linggo ay tinawagan kami muli ng pulis at sinabing nahuli na si Mr. Wong at ililitis. Nguni't dahil wala ni isa sa amin ang makakadalo at hindi namin labas, ay umasa na lang kami sa gagawing balita ng The Sun tungkol sa aming kaso. Sa kanila namin nalaman na napatunayang nagkasala si Mr. Wong, at makukulong ng dalawang taon. Tuwang-tuwa kami dahil kahit hindi namin nabawi ang aming pera ay nagkaroon din sa wakas ng hustisya ang panlolokong ginawa sa amin.

Pagkaraan ng dalawang buwan, nakatanggap kami ng sulat mula sa headquarters ng pulis na nagsasaad ng papuri dahil sa ginawa naming pagsuplong sa isang tao na gumawa ng mali.

Sa personal na pananaw, naging malaking leksiyon din sa akin at sa ate ko ang nangyari. Alam na namin ngayon na hindi kami dapat maniwala basta-basta sa mga taong nag-aalok ng trabaho, may ahensiya man siya o wala.

Kapag nangyari ito sa iba, ano ang dapat gawin? Una, dapat magreklamo, at magpursigi sa paghingi ng katarungan, gaano man ito kahirap.

Pangalawa, bago mag-aplay at magbitaw ng pera ay alamin maigi kung ano bang klaseng ahensiya ang nag-aalok ng trabaho. Pumunta sa Konsulado at sa labor department at alamin kung lisensiyado ba ito, at tunay nga bang may job order para sa mga Pilipino sa sinasabing lugar ng recruiter?

Iyong mga iba na umabot sa pagtanggap ng visa, dapat alamin na hindi maaaring magtrabaho sa kahit anong lugar kung visitor o tourist visa lang ang hawak. Hindi basta may visa ay maaari nang magbaka-sakali na umalis, at doon na maghanap ng trabaho. Ito ang dahilan kung bakit dumarami ang mga illegal worker o overstayer na Pilipino sa ibang bansa.

Hindi masamang mangarap na makapunta at magtrabaho sa ibang bansa, lalo na at mas tiyak ang magiging kinabukasan doon, sampu na ng inyong pamilya. Kailangan lang na ang trabahong inaasam-asam ay talagang nakalaan para sa inyo, at hindi lang binibilog ang ulo ninyo ng isang gahamang recruiter. Mahirap nang magsisi sa bandang huli. - The Sun, HK

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star