10 nais mamasukan abroad, nasagip sa 'human trafficking'
Gracie Rutao ABS-CBN News
Nasagip ng National Bureau of Investigation ang 10 Pilipinong babiyahe sana mula Clark International Airport sa Pampanga matapos mabatid na peke ang kanilang recruiter at ang mga isinumite nilang mga dokumento sa paliparan.
Hinarang ang mga biktima matapos maberipikang peke ang kanilang mga dokumento gaya ng visa, affidavit support, overseas employment, certificate mula sa Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration at iba pa.
Peke rin umano ang nakausap na recruiter, ayon sa mga awtoridad.
Nakatakda sanang pumunta sa Malaysia, Lebanon, at Doha sa Qatar ang mga nasagip. Magtatrabaho sana sila bilang mga domestic helper at entertainer.
Mayroon pa umanong mga aalis ng bansa na nagpapanggap na mga turista.
Ayon sa mga biktima, hindi nila alam na peke pala ang mga nakausap nilang recruiter.
Pinaghahanap na ngayon ng NBI ang mga nasabing recruiter at nakahandang sampahan ng kasong Illegal recruitment at Human trafficking.
Paalala ng NBI, importanteng dumaan muna sa POEA para masigurong tunay at lehitimo ang recruitment agency maging ang papasukang trabaho abroad.
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Comments