PH post sa Milan nagbabala laban sa Facebook scam


Maricel Burgonio, ABS-CBN News
Posted at Jun 19 2019 09:02 AM
TORINO, Italy - Nagbabala ang Philippine Consulate General sa Milan hinggil sa isang modus na bumibiktima sa mga kaibigan at kamag-anak ng mga overseas Filipino worker gamit ang kanilang Facebook accounts.
“Pinapayuhan po natin ang publiko na maging maingat at iwasang buksan ang mga kaduda-dudang posts sa Facebook wall or mensahe sa FB messenger na galing sa mga taong hindi kilala lalo na yung may links na binubuksan,” ayon sa babala ng Konsulado.
Ito ay matapos na magreklamo ang ilang OFWs sa Torino sa Filipino community group na Acfil o Associazione Culturale Filippina del Piemonte sa Consulate General na napasok ng hacker ang ilang mga FB accounts at nahingan ng pera ang mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas, pati sa ibang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Konsulado na may ipinapadalang link sa Facebook messenger sa mga Facebook friends ng OFWs at kapag ito’y nabuksan agad na makukuha ng scammer ang access sa account.
Nagbibigay ng mensahe ang scammer na nanghihingi ng tulong na pera na ipinapadala sa isang remittance center kung saan pwedeng i-claim ng kawatan.
Ilan sa mga nabiktima ng scammer sa Torino ang nagsabing nagpakilala ang mga hacker na may-ari ng accounts at ginagawa ang panloloko sa dis-oras ng gabi.
“Ginagamit po nila ang aming account upang makautang o mag-alok ng negosyo sa mga kamag-anak namin at binibigyan po nila ng GCash barcode na ipapakita sa 7/11 upang doon ipasok ang pera sa GCash na ‘di po alam ng mga biktima ang name ng pinagdalan ng pera,” ayon sa OFW na si Floriza Samonte.
Aniya, umabot na sa P37,000 ang nakuha ng scammer sa mga kamag-anak nito sa iba’t-ibang lugar sa Batangas at Laguna.
“Ang modus operandi po niya ay magpopost sa profile na nanghihikayat kung sino ang gusto ng extra na income sa Pilipinas, i-message daw agad. Pagkatapos niya magawa yun, magme-message siya sa mga friends ko sa Pilipinas na magtatanong kung may 7-11. Papaloadan daw siya para sa roaming at every P1,000 ibabalik ng P1,350. Ngayon, ibibigay niya ng barcode ang tao na valid lang for 30-mins. At ipapabayad sa 7-11 thru GCash,” paliwanag naman ni Jenny Vasquez na nakuhaan ng P18,000 ang ilan sa FB friends nito sa Pasay City.
Nagreklamo na rin sina Floriza at Jenny sa GCash na imbestigahan ang account na pinadalhan ng mga biktima ng pera sa Pilipinas.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star