President Aquino’s Labor Day 2011 speech
Isang mapayapang linggo ng umaga po sa ating lahat. Marahil po, nakasanayan na natin na ang Araw ng Manggagawa ay nagiging Araw ng Bolahan. Isang araw tayong paliliguan ng pa-poging numero ng pamahalaan, habang buong taon naman nila tayong tatalikuran. Ibahin po ninyo ang inyong bagong administrasyon: hindi bukambibig ang good news namin, at hindi ito nakakulong sa kung anong numero na itinutrumpeta pero hindi isinasagawa. Hinahanap po namin ang lahat ng puwede naming gawin, at ginagawa namin ito. Hindi kami nangangako ng imposibleng mangyari, o ng mga bagay na sa paglaon ay lalo lang makakasakit sa bansa natin. Halimbawa po: ang sabi, tanggalin ang oil deregulation. Ang ganda nga naman pong pakinggan: sasabihin ng gobyerno, ibaba ang presyo ng langis, at bababa nga ito. Pero paano naman po natin gagawin ‘yan, kung talaga namang tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado? Saan tayo huhugot ng panustos sa diperensya ng presyo? Magawa man ito, artipisyal ang magiging pagbaba. Bubulusok...