Bakla, tomboy bawal na sa public schools sa Saudi
Ipinagbabawal na ang mga bakla at tomboy sa mga public school sa Kingdom of Saudi Arabia, ayon sa ulat ng news site Emirates 24/7.
Hindi pa inihayag ng religious police ng Saudi Arabia kung paano nito matukoy kung sino ang mga bakla at tomboy sa student population ng kanilang bansa.
Ikalawang pinakasikat na destinasyon ang Saudi Arabia ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa.
Sa tala ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) noong 2010, mahigit 1.5 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa Saudi. Karamihan sa kanilang mga anak ay nag-aaral sa mga international private school na hindi sakop sa ban.
Batay sa ulat ng lokal na pahayagan na Sharq, inihayag ng Emirates 24/7 na inatasan ang mga religious police—na nasa ilalim ng Commission for the Promotion of Virtue and Prevention of Vice ng Saudi Arabia—na ipatupad ang pagbabawal ng mga homosexual sa pagpasok sa mga paaralan at pamantasan ng gobyerno.
“Instructions have been issued to all public schools and universities to ban the entry of gays and tomboys and to intensify their efforts to fight this phenomenon, which has been promoted by some websites,” ayon sa ulat ng pahayagan.
Hindi pa matukoy kung kanino nagmula ang utos, ngunit ayon sa ulat, ito ay “high-level orders.”
Inatasan din ang commission na labanan ang "unacceptable behavior" sa mga pampublikong lugar, ayon pa sa ulat.
Dagdag pa nito, maaaring bumalik sa kanilang mga paaralan ang mga mag-aaral na bakla at tomboy oras na mapatunayang nagbago na sila.
Sinusunod ng pamahalaan ng Saudi ang Shari'ah o Islamic law, na nagbabawal sa lantarang pagpapakita ng homosexual behavior.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang ipagbawal ng gobyerno ng Saudi ang pag-recruit sa mga bakla at tomboy na manggagawa sa kanilang bansa.
Kasabay niyan, pinaalalahanan ng consular section ng Royal Embassy ng Saudi Arabia ang recruitment agencies sa Manila na mas maging mahigpit sa kanilang pag-screen ng mga job applicant papunta roon. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News
Comments