Pulis: Motibo sa pagpatay sa Dutch NGO leader sa Pampanga, maaaring robbery
Basahin sa Filipino
Maaari umanong robbery ang motibo sa pagpatay sa Dutch national na si Willem Geertman, 67 taong gulang, ayon sa mga pulis na nagsagawa ng imbestigasyon sa kaso.
"He had just come from the bank when two unidentified men entered (his office) compound and shot him in the back," pahayag ni police investigator Adrian Regala sa Agence France-Presse.
Ayon sa ulat ng AFP, tumakas ang mga suspek dala ang bag ni Geertman, na mayroon umanong lamang pera na kanyang na-withdraw mula sa bangko.
Nakapag-asawa ang biktima ng isang Pilipina at wala umanong sino mang nakaaway ang biktima, ani Regala.
Sa naunang ulat, binaril na malapitan si Geertman ng dalawang hindi pa kinikilalang lalaking nakasakay sa motorsiko sa harap ng tanggapan ng Alay Bayan-Luson Inc. (ABI) sa San Fernando, Pampanga.
Si Geertman ang executive director ng ABI – isang development organization na aktibo sa mga isyu ng mga sakahan at sa disaster response.
Ayon kay Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) chairperson Joseph Canlas, nag-withdraw si Geertman ng P1.2 milyon mula sa project fund ng ABI dahil nais ng Board of Trustees ng grupo na ilipat ang pera sa ibang bangko.
Inihayag naman ni Canlas sa GMA News Online na isang aspekto lamang ang robbery sa pagpatay sa biktima.
"Tingin namin 'yan ay isang bahagi lamang. May kinalaman ito sa isyu ng matagal nang kinahaharap ng mga progresibo na tumutulong sa mga magsasaka at sa mga katutubo," aniya.
Ayon kay Canlas, naging aktibo si Geertman sa kanyang adbokasiya kasama ang ABI, partikular na ang mga programang komokontra sa pagmimina.
“We condemn this latest attack against a peasant advocate in Central Luzon. Geertman is an active supporter of farmers’ struggles against landgrabbing and displacement in the region,” ani Canlas.
Nagsasagawa na ng independent investigation ang Bagong Alyansang Makabayan Central Luzon sa pagkamatay ni Geertman. Maglulunsad naman ng justice campaign ang Filipino-Dutch solidarity groups sa the Netherlands para kay Geertman.
Tinuligsa rin ng Kalikasan People's Network for the Environment (Kalikasan PNE) ang pagpatay sapagkat naging aktibo umano si Geertman sa adbokasiya laban sa large-scale mining sa mga probinsya ng Pampanga at Zambales. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News
Comments