Labor official, maaaring makasuhan kaugnay ng sex-for-flight isyu
Maaaring kasong administratibo ang maisasampa laban sa Labor attaché for Saudi Arabia kapag napatunayang may nilabag ito sa probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa takbo ng unang imbestigasyon sa sex-for-flight isyu nitong Huwebes, lumalabas na nagpabaya si Labor Attaché Adam Musa na bigyang proteksiyon si ‘Josie,’ isang OFW, laban sa pang-aabuso ng driver nito sa kaniya.
Hanggang sa umabot sa aregluhan kapalit ng pananahimik ng OFW at mabigyan ng ‘authorization’ para maging legal na worker sa Saudi Arabia.
Nabatid na hindi nagsagawa ng imbestigasyon si Musa kung totoong may nangyaring pang-aabuso sa OFW sa loob mismo ng Philippine Overseas Labor Office o sa Bahay Kalinga na itinayo ng pamahalaan para sa pansamantalang tutuluyan ng OFWs na biktima ng karahasan ng kanilang mga amo.
Ayon kay Sen. Teofisto Guingona, maaaring isampa sa Pilipinas ang kaso laban sa labor official dahil may kinalaman ito sa kanyang trabaho.
Pati na rin aniya ang attempted rape laban sa driver nito dahil nangyari ito sa mismong gusali na pag-aari ng pamahalaan.
Pero sinabi ng senador na kailangan muna nilang tapusin ang imbestigasyon dahil may tatlo pang testigo ang hindi nakapagsasalita na sina alyas Analiza, Angel, Michele at akusadong si Asst. Labor Attaché Antonio Villafuerte.
Sa susunod na Huwebes, muling ipagpapatuloy ng komite ang imbestigasyon at iimbitahan ang driver ni Musa, akusado sa attempted rape at dalawa pang empleyado ng POLO sa Saudi Arabia na umano'y tumulong para pagtakpan ang isyu. — Linda Bohol /LBG, GMA News
Comments