Kita ng SSS dumoble sa unang kalahati ng 2014

Nagtala ang Social Security System (SSS) ng P32.59 bilyon na total comprehensive income sa unang kalahati ng 2014, doble ng P15.73 bilyong kinita nito sa parehas na panahon noong 2013.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Emilio S. de Quiros, Jr, ang 107-porsyentong pagtaas ay mula sa paglaki ng unrealized gains ng ahensiya sa market-to-market value ng available-for-sale financial assets nito.
Base sa consolidated financial statements ng SSS mula Enero hanggang Hunyo 2014, binubuo ng P58.77 bilyong nakolektang kontribusyon at P16.60 bilyong kita sa investments ang kanilang P75.37 bilyong total revenues.
“Patuloy na lumalaki ang total revenues mula sa SSS contributions na tumaas ng 15.6 porsyento kumpara sa nakolekta namin noong 2013. Tumaas rin ang aming actual expenditures sa P53.21 bilyon mula P47.01 bilyon,” sabi ni De Quiros.
Ang malaking bahagi ng naitalang SSS contributions ay galing sa employed sector (P50.74 bilyon), sinundan ng voluntary members (P5.25 bilyon) at self-employed (P2.78 bilyon).
Halos 93 porsyento naman ng kabuuang ginastos ng ahensiya ay ibinayad bilang benepisyo ng mga miyembro na umabot sa P49.52 bilyon o 13.9 porsyentong mas mataas mula sa P43.46 bilyon noong 2013.
Sinabi ni De Quiros, ang mas malaking halaga ng benepisyo na binayaran ngayong taon ay bunsod ng isinaayos at pinasimpleng requirements sa pag-proseso ng death, disability at retirement claims, at ng ibinayad na advance pensions para sa mga SSS pensioners na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Bahagya namang tumaas ng 3.8 porsyento ang operating expenses ng ahensiya na ginamit sa pagbubukas ng 16 na bagong SSS offices mula Enero 2014 at pagpapalakas ng coverage campaigns nito.
“Malakas ang kalagayan ng pananalapi ng SSS dahil sa P22.17 bilyon na net revenue nito. Inaasahan naming mananatiling maayos o positibo ang net revenue ng SSS hanggang 2018, dahil mas malaki pa rin ang nakokolektang kontribusyon kaysa ibinabayad na benepisyo at operating expenses,” saad ni De Quiros.
Dagdag pa niya, nanatili ring matatag ang financial position ng SSS na mayroon ngayong total assets na P422.70 bilyon, mas malaki ng 9.9 porsyento o P38.07 bilyon kaysa P384.63 bilyon na asset level ng 2013.
“Lumaki ang total assets ng SSS dahil lumago ang aming investments na bumubuo ng 91.2 porsyento nito. Sa katapusan ng Hunyo 2014, tumaas ang SSS investments ng P33.79 bilyon kaya ang total investments ngayon ay P385.43 bilyon,” sabi ni De Quiros.
Aniya, ang investments ng SSS sa government securities ay tumaas ng 13.6 porsyento, gayundin ang inilagak nito sa equities na tumaas ng P6.47 bilyon.
“Ang mga reporma at bagong programang ipinatupad ng SSS ang susi sa patuloy na paglakas ng aming pananalapi,” sabi ni De Quiros.
Noong Hunyo 2014, nagpatupad ang SSS ng limang porsyentong karagdagang buwanang pensiyon kasunod ng pagtaas ng contribution rate at monthly salary credit noong Enero 2014. Dahil dito ay nadagdagan ng tatlong taon ang SSS fund life na tinatayang aabot sa 2042.


SSS Media Affairs Department
7th floor, SSS Building, East Ave., Diliman, Quezon City
9206401 loc. 5052-5055, 5058 

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star