DOLE tiniyak ang pangangalaga sa mga OFW laban sa 'tanim bala'

Ipinahayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na patuloy ang pamahalaan sa pagseseguro sa kaligtasan at pangangalaga sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) laban sa pinaghihinalaang sindikatong sangkot sa tanim-bala.
“Nagsagawa na ng ilang hakbang ang Inter-Agency Committee upang tiyakin na nabibigyan ng nararapat at agarang tulong ang mga OFW na mahuhuling may baril o bala sa mga paliparan sa Pilipinas,” ani Baldoz sa isang pahayag na inilathala online ng Official Gazette.
  
Batay sa ulat ni DOLE Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III, sinabi ni Baldoz na nakipagpulong ang DOLE sa mga opisyales ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Transportation and Communication (DOTC), Department of Justice (DOJ), Manila International Airport Authority (MIAA), Office for Transportation Security (OTS), Aviation Security Group (Avsegroup), National Prosecution Service (NPS), at sa Public Attorney’s Office (PAO) kung saan napagkasunduan ang pagbalangkas ng alituntunin at koordinasyon sa imbestigasyon ng mga OFW na may dala umanong baril o bala sa mga paliparan ng Pilipinas.
Sa ginanap na pagpupulong, nagkasundo ang DOTC, OTS, at Avsegroup sa mga sumusunod:
Agad na ipagbibigay-alam ng OTS sa Labor Assistance Center ng POEA/OWWA-Repatriation and Assistance Division (RAD) kung may OFW na makikitaan ng baril o bala sa kanilang ginagawang security screening.
Maaaring hilingin ng OTS mula sa OFW ang kanyang an Overseas Employment Certificate at agarang magbibigay ang POEA at OWWA ng karagdagang impormasyon kung kinakailangan.
Kailangang isaalang-alang ng OTS ang personal na kalagayan at ang employment record ng OFW sa pag-iimbestiga ng kanyang kaso.
Ang bagahe ng babaing OFW ay dapat inspeksiyunin ng babaeng OTS officer sa harap ng kinatawan mula sa OWWA/POEA/PAO. Hindi rin dapat magsagawa ng karagdagang inspeksiyon sa isang tagong silid.
Hindi rin dapat posasan ang OFW maliban na lamang kung ito ay nagpakita ng hindi naaayong pagkilos o tamang pag-uugali.
Sumang-ayon naman ang PAO sa pagbibigay ng agarang tulong-legal sa OFW na sasailalim sa imbestigasyon.  Agad namang ipagbibigay-alam ng POEA/OWWA sa PAO matapos silang abisuhan ng OTS ng nasabing insidente.
Idinagdag ni Baldoz na iminungkahi ng DOLE na magkaroon ng Memorandum of Understanding para sa pagtatatag ng alituntunin at koordinasyon sa pagsasagawa ng imbestigasyon, gayundin sa pagbibigay ng nararapat na tulong sa mga OFWs na umano’y may dalang baril o bala. — APG, GMA News

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star