‘OFWs sa Hong Kong ligtas sa muling pagsiklab ng gulo sa malaking kilos protesta’
Wala umanong dapat ikabahala ang mga kamag-anak at kababayan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nagtatrabaho sa Hong Kong sa kabila ng gulo sa malaking kilos protesta doon.
Iniulat ng Bombo international correspondent Mar de Guzman mula sa Hong Kong, marunong umano ang mga OFW na maging “playing safe.”
“Although affected din yong mga OFW dito… so far so good, wala pa namang report na may nasaktan na mga kababayan,” dagdag pang ulat ni De Guzman, na tubong Pangasinan.
Una rito nauwi sa gulo, batuhan at paluan ang insidente sa Legislative Council Building ng Hong Kong nang sirain at wasakin ang ilang bahagi ng pintuan, maging ang ilang mga kagamitan ng gamit na mga galit na protesters na karamihan ay mga teenagers.
Ayon kay De Guzman, nagsagawa rin ng vandalism ang mga protesters sa main chamber ng government building.
Napilitan tuloy ang mga anti-riot police na gumamit na ng tear gas upang buwagin ang mga nagpoprotesta.
Sa kabila ng naturang tanawin ang malaking bulto naman ng mga demonstrador na ang pagtaya ng iba ay mahigit sa daan libong mga raliyesta hanggang sa mahigit na isang milyon ay naging payapa naman.
Sentro pa rin nang pagkondina ng mga protesters ang kontrobersyal na extradition bill na naunang binawi. Liban dito meron pa silang apat na pangunahing isyu na isinusulong.
Itinaon ang malakihang pagkilos sa ika-22 taong anibersaryo ng handover ng Britanya sa Hong Kong tungo sa China.
Kaya naman kahapon ay holiday at walang pasok.
Maaga pa kasi ay inabisuhan daw ang mga Pinoy workers ng kanilang mga amo sa isasagawang malakihan na namang pagkilos.
Una nang nagpaalala ang DFA sa nasa 234,000 na mga OFW na karamihan ay mga domestic helpers sa Hong Kong na mag-ingat at iwasan ang mga lugar na sentro ng mga protesta.
Comments