Recruitment agencies may panawagan bago itatag ang OFW department


ABS-CBN News
Posted at Jul 13 2019 08:21 PM
Watch more in iWant or TFC.tv
MAYNILA — Umani ng sari-saring reaksiyon ang itinutulak ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtatatag ng hiwalay na departamento na tututok sa mga pangangailangan ng overseas Filipino workers (OFW).
Ayon kay Susan Ople, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, suportado nila ang panukala lalo pa't makakatutok na ang labor department sa mga hinaing ng mga lokal na manggagawa.
"I think given the size of population of Filipino workers overseas, it might be advantageous to have a separate agency because it will give the DOLE (Department of Labor and Employment) the chance to focus on the problem and challenges of our local workers," sabi ni Ople.
Gayunpaman, nanawagan si Ople na magkaroon muna ng konsultasyon sa stakeholders lalo't nais ni Duterte na apurahin ang pagtatatag ng departamento.
"I do hope the framework that the President said will be ready by August can also be presented to us, the stakeholders, so we can weigh in and share our recommendations," ani Ople.
Sinabi kasi ni Duterte noong Huwebes na gusto niyang madaliin ang pagbuo sa framework para sa ahensiya at ilalabas ito sa ika-2 linggo ng Agosto.
Ayon kay Sen. Bong Go, may-akda ng Senate Bill na magbibigay-buhay sa departamento, layon nitong maiwasan ang pananamantala ng illegal recruiters na nambibiktima ng mga mahihirap na pamilya.
"Masakit makitang iniiwan ng mga kababayan natin ang mga pamilya at mahal nila sa buhay upang makapagtrabaho lamang sa mga malalayong lugar. Suklian natin ang kanilang sakripisyo ng mas maayos na serbisyo para sa kanila at kanilang mga pamilya," sabi ni Go.
Nauna na ring sinabi ni Duterte na pagbabawalan ang recruitment "sa labas" kapag nabuo na ang departamento.
"Bawal na 'yang recruitment diyan sa labas... that kind of mechanism of recruiting Filipino workers abroad has been abused and abused and abused. Mga kababayan ko puro biktima, puro kawawa," ani Duterte noong Huwebes.
Pabor dito ang kinatawan ng recruitment agencies, pero panawagan niya sa Pangulo, huwag patayin ang industriya ng private recruitment.
"Kung matuloy 'yung pagpigil na ng pagre-recruit ng mga licensed recruitment agency, nakakasigurado po ako na mas lalong dadami ang mga illegal recruiter," sabi ni Estrelita Hizon, POEA Governing Board Private Sector Representative.
Sa ngayon, kasalukuyan pang binabalangkas kung paano mabubuo ang departamento.
—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star