Ban sa Saudi Arabia: Opisyal ng CBCP may payo sa mga bakla, tomboy

MANILA – Maghanap ng bansa na walang diskriminasyon sa mga bakla at tomboy.

Ito ang payo ni Fr Edwin Corros, opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, kaugnay sa pinaigting na kautusan ng pamahalaan ng Saudi Arabia laban sa mga migranteng manggagawa na bakla at tomboy.

Ang pag-iwas umano sa Saudi Arabia ay paraan para makaiwas din sa problemang legal ang mga homosexual na overseas Filipino workers (OFWs) at pati na kanilang mga recruiter.

“Maghanap na lang sila ng ibang bansa na walang discrimination, yung mga walang pinipiling sexuality. Kasi sayang naman kung capable enough ang isang tao na magtrabaho tapos just because bading s’ya eh bawal na," pahayag sa Veritas Radio ni Corros, executive secretary ng Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People ng CBCP.

Kamakailan ay nagbigay ng direktiba ang pamahalaan ng Saudi Arabia sa mga recruitment agency sa Pilipinas na salaing mabuti at tiyakin na walang homosexual na maipapadalang OFWs sa kanilang bansa.


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Mahigpit na ipinagbabawal sa Saudi Arabia ang lantarang pagpapakita ng kabaklaan tulad ng pagsusuot ng damit ng babae at pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki.

Noong nakaraang taon, 72 Pinoy na hinihinalang bakla na dumalo sa “gay pageant" ang dinakip ng mga pulis sa Saudi Arabia. Ilan sa mga nadakip ay nakabihis pambabae at naka-wig.

Sa panayam ng GMA Network's Unang Hirit nitong Huwebes, binatikos ng grupong Ang Ladlad ang kautusan na isa umanong pagpapakita ng diskriminasyon sa mga manggagawa.

"Kami ay nagimbal dahil ito talaga ay diskriminasyon, dahil ang karapatan na makapamuhay, the right to earn the right to livelihood ay hind na naman matutupad. Kaya kami ay nalulungkot," ayon kay Bemz Benedicto, incoming chair ng Ang Ladlad.

Sa panayam ng Veritas Radio, sinabi ni Corros na hindi niya masisisi ang mga kababayan – kabilang na ang mga homosexual - na nangingibang-bansa dahil na rin sa kawalan ng oportunidad sa Pilipinas.

“Kung may job opportunity dito wala na sanang dahilan para umalis pa ang mga Pilipino. Pero since wala, hindi natin maiiwasan na may mga kababayan pa rin tayo na talagang aalis ng bansa at maghahanap ng job opportunities," pahayag ng pari.

Nanawagan si Corros sa susunod na administrasyon na pagtuunan ng pansin ang paglikha ng mga trabaho sa Pilipinas upang hindi na umalis ng bansa ang mga Pilipino.

Sa kabila ng kautusan ng Saudi Arabia, sinabi ni Corros na kailangang igalang ng mga Pilipino ang batas na ipinatutupad sa nabanggit na bansa.

Una rito, sinabi ni Labor Secretary Marianito Roque na kailangan nilang sundin at igalang ang kultura at patakaran ng Saudi Arabia. Pinayuhan niya ang mga homosexual na Pinoy sa nabanggit na bansa na kumilos nang akma sa kultura nito.

"Bawal ang openly na kayo ay naghaharutan at may ginagawa na labag sa kanilang kultura. I remember a year ago, may pinauwi kasi sobra ang kanilang public display... Minsan may nagpa-party na sobrang ingay," ayon kay Roque. - GMANews.TV

Comments

Popular posts from this blog

POPCOM, gagamit ng ‘digital platforms’ para pagtibayin ang mga ugnayang pampamilya

Biden said set to make push for demilitarized Palestinian state as part of new doctrine ---By LAZAR BERMAN

In Cairo, senior Hamas officials discuss hostage deal with Egyptian intelligence chief ---By TOI STAFF, AGENCIES and LAZAR BERMAN