Dagdag na special leave of absence sa nagtatrabahong asawa ng OFWs, iminungkahi
Hiniling ng isang
mambabatas sa Kamara de Representantes ang pagpasa ng batas na magkakaloob ng
karagdagang 15 days additional leave credit bawat taon sa mga nagtatrabahong
asawa ng Overseas Filipino Worker (OFW).
Saklaw ng House Bill 6358, na inihain ni Manila Rep. Ma. Theresa Bonoan-David, ang asawa ng mga OFW na nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor.
Sa ilalim ng panukala, ang karagdagang leave credits sa mga asawa ng OFW ay dapat bayaran ng pinapasukan niyang kumpanya kahit hindi siya pumasok.
“An OFW’s spouse plays the role of both father and mother back home and like a single parent, the spouse will have to attend to the needs of their family, single-handedly," paliwanag ni Bonoan-David sa kanyang panukala na tinawag na Special Leave for Overseas Workers Spouses Act.
“The demands of the double role played by the OFWs spouse are so heavy that they often do not have the time to carry out or complete their tasks," dagdag pa niya.
Ang mga asawa ng OFW na gagamit ng naturang leave credits ay dapat magsumite sa kanyang pinapasukang kumpanya ng kopya ng marriage contract at mga kinakailangang impormasyon tungkol sa trabaho ng kanyang asawa sa ibang bansa.
Ang pinapasukan ng mga asawa ng OFW na magkakaloob ng leave credits ay tatanggap naman ng tax break.
“For purposes of claiming tax credits, private establishments are required to keep separate records of their employees who avail of this leave benefit," ayon kay Bonoan-David.
Samantala, pagmumultahin ng hanggang P50,000 o pagkakakulong ng hanggang anim na buwan ang parusa sa mga hindi susunod sa panukala kapag naisabatas.
Kamakailan ay umani ng kritisismo si Bonoan-David dahil sa panukalang batas na inihain niya na itaas sa $50 ang kontribusyon ng mga OFW sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ang karagdagang pondo ay gagamitin sana sa Emergency Repatriation Fund na ilalaan sa agarang pagpapauwi ng mga magigipit na OFW sa ibang bansa.
Gayunman, iniatras o binawa na ni Bonoan-David ang naturang panukalang batas. -- RP/FRJ, GMA News
Comments