Payo ni Drilon sa DFA: Pagbutihin ang kampanya para sa dual citizenship
Pinayuhan ni Senator Franklin Drilon ang Department of Foreign Affairs na pag-ibayuhin pa ang kampanya sa paghikayat sa mga dating Filipino citizens na kumuha ng dual-citizenship.
Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa dzBB, dismayado umano si Drilon dahil mula nang pinagtibay ang dual-citizenship law noong 2003, nasa 95,000 pa lamang sa mga Filipino sa ibang bansa ang nagging Filipino citizens muli.
Kapag kumuha muli ang mga Filipino ng Philippine citizenship, maibabalik ang mga dati nilang karapatan kagaya ng pagboto, pagbili ng properties at ang 100-percent na pagmamay-ari ng mga negosyo dito sa bansa.
Ayon kay Drilon, magagamit ng DFA ang mataas na popularidad rating ng administrasyon ni Presidente Benigno Aquino III sa paghikayat sa mga dating Filipino na maging dual citizen.
Samantala, inendorso naman ni Drilon na dagdagan ang budget ng DFA sa pagpapatayo ng mga gusali sa ibang bansa para sa consulates at embassies ng Pilipinas.
Kada taon, umaabot umano sa P600 million ang upa ng DFA para sa 60 na embassies at 20 consulates ng Pilipinas sa iba't ibang bansa. — LBG, GMA News
Comments