OWWA-ARMM nag-ikot sa Maguindanao para sa promosyon ng Scholarship Program From
Maguindanao (August 24, 2012)- Nag-ikot sa iba’t ibang paaralan sa Maguindanao ang mga kawani at tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (OWWA-ARMM) bilang bahagi ng malawakang promosyon ng mga scholarship program at serbisyo ng ahensya.Kabilang sa paaralan na pinuntahan ng ahensya ay ang Sultan Mastura NHS, Parang NHS, Amir Bara Lidasan NHS, Sultan Kudarat Islamic Academy, Sarilikha NHS, Notre Dame of Upi, Nangi NHS at Upi Agricultural School.
Nakakuha ang RWO-ARMM ng may kabuuang 145 na aplikante para sa EDSP at 13 para sa CMWSP.
Pangunahing layunin ng aktibidad na hikayatin at imbitahan ang mga magtatapos ng hayskul na dependent ng aktibong OFW, hindi lalampas ng 21 taong gulang na interesadong magpatuloy ng pag-aaral ng apat o limang taong baccalaureate course sa alinmang CHED accredited na kolehiyo o unibersidad.
Sa pamamagitan ng scholarship program, binibigyan ng pagkakataon ang dependent ng aktibong OFW na makapagtapos ng kolehiyo para magkaroon ng maayos na trabaho tungo sa magandang kinabukasan sa tulong ng gobyerno.
Mahalaga rin na maipasa ng isang aplikante ang qualifying examination na ibibigay ng Department of Science and Technology (DOST) sa darating na Nobyembre.
Bukod sa mga promotion ng Scholarship Program, nagcourtesy call din kay Mayor Ramon Piang ng Upi, Maguindanao ang mga kawani ng ahensya.
Nagpasalamat ang alkalde at sinabing isang malaking tulong ang programa para sa mga kabataan ng kanyang Munisipyo pagkat isa ang Upi sa mga may pinakamaraming OFWs sa buong Maguindanao. (Oliver Ross V. Rivera, LCO, RWO-ARMM)
Comments