'Pagbaba ng demand para sa OFW sa Saudi, dapat paghandaan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 09:45 PM | Updated as of Feb 07 2018 01:30 PM
Nagbabala ang isang non-governmental organization na nagbibigay ng ayuda sa mga overseas Filipino worker (OFW) na maaaring bumaba ang demand o pangangailangan sa mga manggagawang Pinoy sa Saudi Arabia.
Ito ay dahil sa unti-unting pagpapatupad ng patakarang "Saudization" o pagpapahalaga sa mga Saudi citizens pagdating sa trabaho.
"Part na kasi 'yan ng vision ng Crown Prince (of Saudi Arabia) na by 2030, mas marami nang Saudis ang nagtatrabaho kaysa mga expatriate workers," ani Susan Ople ng Blas F. Ople Policy Center.
"Ngayon pa lang tignan na natin kung ilan ang apektado, saan sila puwede ma-absorb pag-uwi nila," ani Ople.
Ayon sa kautusan ng Saudi Ministry of Labor and Social Development, bawal nang magtrabaho ang mga banyagang manggagawa tulad ng mga Pinoy sa 12 sektor ng retail o sales.
Setyembre 11 uumpisahan ang pagpapatupad nito sa mga tindahan ng kotse, damit, furniture at appliances, habang Nobyembre 9 naman sa electronics, watches at optic stores.
Magiging epektibo naman ito sa mga industriya ng medical equipment and supplies, hardware, auto spare parts, carpet, at sweet shops simula Enero 2019.
Ayon kay Ople, may pangamba na lumawig pa ang listahan ng mga industriyang hindi maaaring pagtrabahuhan ng mga banyaga sa Saudi.
Kaya posibleng dumating ang pagkakataong maraming Pilipino ang mapipilitang umuwi. 
Nag-uumpisa na ring magpatupad ng parehong patakaran ang ibang bansa sa Middle East, tulad ng Oman na may anim na buwang ban sa work visa ng mga banyagang manggagawa.
'Di dapat ipangamba
Para naman sa Department of Labor and Employment, hindi dapat matakot umuwi ang mga mawawalan ng trabaho.
Ipinangako naman ng administrasyon ang programang "Build, Build, Build" sa impraestruktura, na inaasahang gagawa ng hanggang 10 milyon trabaho hanggang 2022.
"Mayroon namang trabaho na naghihintay sa kanila at kung wala naman, mayroon namang livelihood," sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Pero ayon kay Ople, hindi ganun kadali na sabihin sa mga OFW na umuwi lang basta sa Pilipinas.
"Ang kakompetensiya kasi ng mga babalik from Saudi, mga fresh graduates," ani Ople.
Kailangan umanong gumawa ng gobyerno ng malinaw na programa at pakikipag-usap sa pribadong sektor para madagdagan ang mga skill ng mga uuwing OFW para matiyak na makapapasok sila sa mga klase ng trabaho na mayroon sa bansa.
Isa ang Saudi Arabia sa pangunahing destinasyon ng mga OFW.
Sa datos ng Philippine Overseas Employment Agency noong 2015, halos 30 porsiyento ang kabuuang bilang ng mga Pilipino na ipinadala sa ibang bansa ang napunta sa Saudi.

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star