Pirmahan ng PH-Kuwait MOU para sa mga OFW, matutuloy pa ba?
ABS-CBN News
Naniniwala ang Palasyo na walang epekto sa kinakasang memorandum of understanding (MOU) para sa mga overseas Filipino worker (OFW) ang pagpapaalis ng Kuwaiti government sa ambassador ng Pilipinas sa kanilang bansa.
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ikinagulat nila ang naging hakbang ng Kuwait lalo pa't naging maganda naman ang pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Kuwaiti Ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh.
Pero ang mahalaga aniya ay nagkasundo na ang dalawang bansa sa ilang nakapaloob sa MOU bago pa ang naturang pagpapaalis.
"Sa tingin ko naman, hindi ito mababago. Iyung pagre-recall po ng ambassador, talagang 'yan ay mensahe na sila po ay may ikinagagalit, pero sa tingin ko naman po, huhupa 'yan," sabi ni Roque.
Kinumpirma nitong Miyerkoles ni Ambassador Renato Villa sa ABS-CBN News ang pag-expel sa kaniya ng Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait dahil sa kumalat na rescue video na hindi nagustuhan ng naturang bansa.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa desisyon ng Kuwaiti government.
"The Department served a diplomatic note to the Embassy of Kuwait conveying its strong surprise and great displeasure over the declaration of Ambassador Renato Pedro Villa as persona non grata," sinabi ng DFA sa kanilang pahayag.
Para naman kay Susan Ople ng Blas Ople Policy Center, hindi muna dapat bigyang prayoridad ang MOU o protesta, bagkus ay lutasin muna ang hidwaan ng dalawang bansa bago pa ito lumala.
Comments