Bagong money transfer tax ng Italy, binatikos ng mga OFW
Umaaray ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Italya matapos maging epektibo ang bagong batas doon na nagpapataw ng 1.5 porsiyentong buwis sa remittances.
Ang money transfer tax ay alinsunod sa Article 25 ng Law Decree 119 of 2018 na sinusugan ng Northern League. Sinimulang ipatupad ito noong Enero 1, 2019 para sa lahat ng mga transaksiyon na hindi bababa sa €10.
Idadagdag ito sa service charge na binabayaran ng mga migrante sa bawat perang padala.
Gayumpaman, may ilang remittance centers ang nagsuspende ng singil sa buwis dahil walang malinaw na guidelines sa pamamaraan ng tax collection.
Ilalabas pa raw ito ng Minister of Economy and Finance kasama ang revenue agency at Banca d'Italia matapos ang 60 araw.
UMALMA
Binatikos ang bagong batas ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nagtatrabaho sa Milan.
"Nananawagan po kami sana naman wag na idagdag 'yung tax na 'yun," ani Annalisa Siman.
"Apektado kaming lahat dito kaya hindi kami sang-ayon. Malaking kabawasan sa amin," ayon naman kay Adelaida Intendencia.
Si Teresita Dolas na linggo-linggong nagpapadala ng pera sa mga kaanak sa Pilipinas, nagrereklamo rin.
"Bilang OFW ang dami-dami na naming binabayaran dito tapos dadagdag pa 'yan. Maawa naman kayo 'yung kaliwa't-kanan na taxes na binabayaran namin dito siguro naman sobra-sobra na," hinaing niya.
Dagdag-pasanin daw ito para sa mga Pinoy na mababa ang sahod o kulang sa trabaho, lalo na sa mga senior citizen na patuloy pa rin sa pagkayod para sa pamilya.
Base sa pag-aaral na ginawa ng Leone Moressa Research Institute, aabot sa mahigit €60 milyon ang makukuha ng gobyerno ng Italya sa mga immigrant na regular na nagpapadala ng pera.
Nangunguna sa listahan ng non-European Union migrants na maapektuhan ng bagong batas ang mga Bangladeshi na nagpadala ng €8 milyon halaga ng remittance noong 2017, sumunod ang Pilipino na nagpadala ng €4.9 milyon.
Umaabot sa €335 milyon ang kabuuang remittance cost na binabayaran ng mga migrante taon-taon.
Comments