Email address mo isingit sa passport


SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - March 20, 2018 - 12:00am


KINUWENTO ito sa akin ng kaibigan. Leksiyon ito kung bakit mainam isingit ang email mo sa address page ng passport. Mahalagang payo sa OFWs at mga biyahero, kaya isina-Tagalog ko. Totoong nangyari ito sa airport kamakailan; ikinuwento ng kawani sa money exchange shop:
“Nagpapalit ng pera ang pasahero, at sa pagmamadali, naiwan niya ang passport at boarding pass sa counter ko. Dahil sa sulok naiwan at natatakpan ng computer monitor ko, hindi ko ito napansin; mga 20 minutos ang nakalipas; ang sumunod na customer ang nakakita. Agad hinanap ko ang pasahero sa paligid na shops, pero hindi ko nakita.
“Medyo laspag ang passport, maraming visas, kabilang ang Japan. Bumiyahe siya mula Narita, at lumapag dito sa LAX (Los Angeles International Airport). Ang pahina sa passport kung saan sinusulat ang tirahan at contact person sa emergency ay blanko. Ang naroon lang ay email address niya. Agad kumonekta ako online at in-email siya ng maikling mensahe, kasama ang phone number ko.
“Makalipas kalahating oras sumungaw siya sa counter, abut-abot ang pasasalamat. Wala raw siyang kamalay-malay na nawawala na ang passport niya. Nasa taxi na siya at nag-che-check ng emails nang mabasa ang padala ko. Agad niyang pinabalik ang taxi sa airport para kaunin ang passport. Nagtatrabaho siya sa Japan, at nakakabit ang work permit sa Japanese visa. Naroon lang siya sa US nang isang linggo.

“Malinaw na miski nakasulat ang kanyang tirahan sa passport, hindi ito gaano makakatulong. Miski telepono walang silbi kung atubili ang nakapulot nito tumawag pa ng magastos na long distance sa ibang bansa. Pero ang email kahit sino madaling maise-send at ma-receive, mula saan na may wifi, ano mang parte ng mundo -- lalo na kung nasa biyahe ka. Kaya isingit ang email sa address page ng passport. Life saver!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Comments

Popular posts from this blog

Russia captures town after 2 years of Ukrainian resistance --- Reuters

UP Diliman Professors Share Scientists’ Procurement Struggles at Senate Hearing

Vietnam condemns China's 'brutal behavior' in fisher attack ---- Agence France-Presse