PAGTABLA NG SC KAY BRILLANTES PATUNAY NG MALING DESISYON SA COMELEC – ALAM



HINDI dapat magdamdam si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sixto Brillantes sa Korte Suprema kung sunud-sunod man ang pagtabla nito sa mga desisyon niya.
Ito ang pahayag kahapon ng media group na alab ng Mamamahayag (ALAM).
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, itinutuwid lamang ng SC ang mga maling desisyong nagawa ng COMELEC.
“Kaya nga may Supreme Court, para isaayos ang mga nagagawang lihis sa batas,” ani Yap. “Wala namang ginawa ang Korte Suprema na hindi nila ibinatay sa kasalukuyang batas na umiiral sa Pilipinas. Hindi naman siguro masamang magpakumbaba at tanggapin ang kanilang pagkakamali.”
Matatandaang nagpahayag si Brillantes na magpapahinga muna siya ng dalawang araw bago makipag-usap kay Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III para pag-usapan ang kaniyang planong pagbibitiw sa puwesto.
Ani Brillantes, nadismaya siya sa Supreme Court (SC) dahil sa sunod-sunod na kasong kinontra nito na may kinalaman sa mga polisiya ng COMELEC.
Ilan sa mga kinontra ng SC ay ang usapin ng "Team Patay" at "Team Buhay" posters mula sa Bacolod City; mayoralty issue sa Imus, Cavite; ang 41 disqualified partylist na ibinalik kasama ang Lucky 13 disqualified partylist; at ang status quo ante order sa airtime limits.
Para naman kay ALAM President, Atty. Bertene Causing, asar-talo at pikon si Brillantes kung magbibitiw ito.
“Bakit hindi na lamang niya tanggapin kung ano ang desisyon ng mas nakatataas,” ani Causing. “Nagkamali siya at dapat niya itong ituwid.”
Bilang abugado, dapat umanong sumunod si Brillantes sa Kataas-taasang Hukuman.
Hindi umano solusyon ang pagbibitiw sa tungkulin at pagtatampo para maituwid ang mga pagkakamali ng COMELEC.
Pahabol naman ni Yap, kung personal na bagay ang pagbabasehan ay  pabor sa ALAM ang pagbibitiw ni Brillantes.
Gayunman, hindi umano ito makabubuti sa pangkalahatan kaya mas makabubuting panindigan na lamang umano ni Brillantes ang kanyang posisyon hanggang sa matapos ang eleksyon.
“Wala nang isang buwan at matatapos na ang eleksyon kaya pagtiisan na lamang niya (Brillantes,” ani Yap. “Pagkatapos ng eleksyon, kung gusto niya (Brillantes), e di mag-resign siya.”
Ani Yap, kawawa naman ang kung sinumang papalit sa pwesto ni Brillantes sa panahon ng kontrobersyang ito . (nlv)
 

Comments

Popular posts from this blog

POPCOM, gagamit ng ‘digital platforms’ para pagtibayin ang mga ugnayang pampamilya

UP Diliman Professors Share Scientists’ Procurement Struggles at Senate Hearing

Biden said set to make push for demilitarized Palestinian state as part of new doctrine ---By LAZAR BERMAN