Ipinadadalang construction workers sa abroad nais bawasan
Target ng Department of Labor and Employment na bawasan ng 90 porsiyento ang deployment o pagpapadala sa ibang bansa ng mga construction worker upang matugunan ang pangangailangan ng "Build, Build, Build" program ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na kulang daw ang mga manggagawa sa construction industry, dahilan para maantala ang ilang proyekto sa ilalim ng "Build, Build, Build," ang programang pang-impraestruktura ng administrasyon.
"'Yong mga skilled definitely we will not process muna," sabi sa panayam ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Pero tiniyak ni Bello na hindi maaapektuhan ang mga kasalukuyang aplikasyon ng mga nag-aayos pa lang ng papeles.
MGA GRUPO PUMALAG
Gusto naman ng Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI), isang samahan ng mga pribadong recruitment agency, na maliwanagan muna sa isyu.
Dapat mayroon daw munang opisyal na abiso mula sa pamahalaan.
"We have to ask government to come up with an official advisory on this matter once and for all," sabi sa pahayag ni PASEI President Elsa Villa.
Naniniwala naman ang ACTS-OFW party-list na kailangang itaas sa P900 kada araw ang minimum na sahod ng mga construction worker sa bansa para hindi maakit sa offer ng ibang bansa.
"ACTS-OFW has called for a P900-daily minimum wage for construction workers to help address a looming shortage due to migration," ani ACTS-OFW party-list Rep. Aniceto Bertiz sa isang pahayag.
Bukod naman sa sahod, seguridad sa trabaho ang isa pang problema para sa mga construction worker, ayon kay Akbayan party-list Rep. Tom Villarin.
Nagbabala naman ang labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na kapag tinapyasan, baka pumatol na lang sa ilegal na paraan ng pag-alis ang mga construction worker lalo kung mananatili raw mababa ang sahod dito sa Pilipinas.
"Kung ipipilit pa rin ng DOLE ang pagkontrol sa mga construction workers, lalong magkakaproblema dahil mag-a-underground ang mga ito at hindi natin sila makadokumento," sabi ng ALU-TUCP sa pahayag.
Nagpaalala naman ang labor group na Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro) na karapatan ng mga manggagawa na makahanap ng mas magandang kabuhayan para sa kanilang pamilya.
"The last time I checked, the Philippine Constitution guarantees the right to travel. All construction workers, like all workers, must have the right to find better and more decent jobs somewhere else," sabi ni Joshua Mata ng Sentro sa pahayag.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Comments