Mga buntis, may agarang benepisyo sa PhilHealth

Mga buntis, may agarang benepisyo sa PhilHealth
 
Isang espesyal na pribilehiyo ang ipinagkakaloob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga buntis para mapangalagaan ang kanilang sarili at ang sanggol sa kanilang sinapupunan.

Dahil mandato ng PhilHealth ang  pagbibigay ng financial risk protection sa mga miyembro nito, maging sa mga nagdadalang-tao, pinapayuhan ang lahat ng mga buntis na kaagad na magparehistro sa National Health Insurance Program o NHIP upang maging eligible at makagamit ng kinakailangang benepisyo mula sa nasabing ahensya. 

Ang mga buntis ay maaaring magsadya sa tanggapan ng PhilHealth at magsumite ng PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at anumang katibayan na sila ay buntis gaya ng medical certificate mula sa doktor o kumadrona, ultrasound result o kopya ng kanilang admission book at magbayad ng isang taong prima na P2,400.  

Maging ang mga menor de edad na nagdadalang-tao ay pinapayuhan ding magparehistro bilang primary member upang masigurong may social health insurance ang kanilang magiging anak. 
Pinaaalalahanan din ang mga buntis na naka-enrol sa programa ngunit hindi aktibo ang membership na mag-update ng kanilang prima upang maka-avail ng benepisyo.

Ang mga paketeng maaaring makamit ng mga buntis ay ang Maternity Care Package (MCP) o Normal Spontaneous Delivery (NSD) Package. 

Sakop ng MCP ang mga health services habang nasa antenatal period, normal delivery at postpartum period, kasama ang follow-up visits sa loob ng 72 oras hanggang isang linggo pagkapanganak.  Ito ay nagkakahalaga ng P6,500 kung ia-avail sa ospital, at P8,000 naman kung ia-avail sa mga accredited na lying-in clinics, birthing homes, maternity clinics, infirmaries o dispensaries.

Binibigyang diin din ng PhilHealth ang kahalagahan ng maagang pagpapakonsulta kung kaya apat na pre-natal visits ang kailangan sa panahon ng pagbubuntis para makagamit ng benepisyo.  Ito ay para matukoy ang anumang kumplikasyon at maiwasan ang mas malalang pangyayari o kamatayan. 
  
Limang libong piso naman ang NSD kung sa accredited na ospital manganganak at P6,500 naman kung sa lying-in clinics, birthing homes, maternity clinics, infirmaries o dispensaries.  Kasama sa NSD Package ang essential health services para sa normal, low-risk vaginal deliveries at post-partum period.

Kasama din sa binabayaran ng PhilHealth ang panganganak sa pamamagitan ng Caesarean section, maging ang kumplikadong panganganak ng normal kagaya ng breech extraction sa accredited na ospital.

Ang sanggol naman ay makaa-avail ng Newborn Care Package (NCP), kung saan kasama ang Newborn Screening Test, Newborn Hearing Screening Test at essential newborn care.  Ito ay nagkakahalaga naman ng PhP 1,750.00

Ipinaalala rin ng PhilHealth na isang beses lamang maaaring magamit ang pribilehiyong ito. (END)

Reference:  Dr. Israel Francis A. Pargas
                   OIC-Vice President, Corporate Affairs Group
                   0915-6450808

Comments

Popular posts from this blog

PCG: China’s bullying in West Philippine Sea undermines international law --- Ghio Ong - The Philippine Star

China ships maintain presence in key West Philippine Sea areas --- Michael Punongbayan - The Philippine Star

Social media seen as cause of rising intermarriages --- Helen Flores - The Philippine Star