PhilHealth may mga paalaala sa mga OFWs
PhilHealth may mga paalaala sa mga OFWs
MAY ilang mahalagang paalaala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga miyembro nitong Overseas Filipino Workers para sa mas mabilis at mas maginhawang pagkakamit ng mga benepisyong medikal sa ilalim ng National Health Insurance Program, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Una, kailangang panatilihing regular at up-to-date ang kanilang taunang kontribusyon sa PhilHealth.
Pangalawa, kailangang updated ang kanilang member data record o MDR at contact information at tama ang PhilHealth Identification Number (PIN) na gagamitin sa lahat ng kanilang transaksyon sa PhilHealth, sa loob o labas man ng bansa.
Kung sakali namang ang isang OFW member o ang dependents nito ay magkasakit at maospital dito sa Pilipinas, maaaring hindi na ipakita ang kanilang MDR kung ang ospital ay mayroong access sa Health Care Institution Portal o HCI Portal. Kung wala namang access sa HCI Portal, maaaring makakuha ng kopya o print out ng updated na MDR sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth o mag-email saofp@philhealth.gov.ph.
Hinikayat din ng PhilHealth ang mga OFW members nito na bumisita sa PhilHealth website, www.philhealth.gov.ph at gamitin ang Online Inquiry Facility na matatagpuan sa kanang bahagi ng homepage. Sa nasabing facility, maaaring malaman ng miyembro ang kanyang contribution payment record at iba pang impormasyon tungkol sa kanyang PhilHealth membership. Ito ay maaari ding i-access sa link nahttps://memberinquiry. philhealth.gov.ph.
Kung sakaling magkaroon ng problema sa pagkamit ng benepisyo sa ospital, maaaring magpatulong ang sinumang miyembro ng PhilHealth, kabilang na ang mga OFWs at kanilang dependents, sa mga nakatalagang PhilHealth Customer Assistance, Relations and Empowerment Staff o P-CARES personnel sa mga piling ospital sa buong bansa, pampubliko man o pampribado. Sila ay nakahandang tumulong at magbigay-serbisyo sa lahat ng miyembro ng PhilHealth.
Para sa iba pang katanungan tungkol sa PhilHealth, maaaring makipag-ugnayan sa Corporate Action Center sa telepono bilang (02) 4417442 o direktang tumawag sa Overseas Filipinos Program Office (OFP) sa (02) 441-7444 loc. 7416. Maaari ring i-email ang mga katanungan sa actioncenter@philhealth.gov.ph o saofp@philhealth.gov.ph.
Ang paalalang ito ay hango sa PhilHealth Advisory No. 2016 – 0015 na inilathala sa pahayagan kamakailan lamang. (END)
Reference: Dr. Israel Francis A. Pargas
OIC-Vice President, Corporate Affairs Group
0915-6450808
Comments