Martial Law

Martial Law: Bawat Tanda, Puksain; 
Bawat Gawi, Hadlangan;
Karapatan, Kalayaan – Ipaglaban, Pangalagaan
September 21, 2014

ANG NAKARAAN

Apat na dekada at dalawang taon na ang nakaraan noong lagdaan ni dating Pangulo Ferdinand E. Marcos ang Presidential Decree 1081 noong ika-21 ng Septyembre 1972.  Sa araw na ito, ipinataw ni Marcos ang Martial Law sa buong bansa.  Hinudyat sa pagpirma ng decreto ang panimula ng pagyurak  sa dignidad at paglabag sa mga karapatang pantao ng nakararaming mamamayang Filipino.

Di naglaon, naging marahas at madugo ang paglabag sa karapatang pantao, winasak din ang mga murang demokratikong institusyon, pinatupad ang isang agresibong programa sa kaunlaran at pinaypayan ang mga baga ng digmaang sibil.  Sa pagkawala ng pagrespeto at pagpapatupad ng Estado sa karapatang pantao, nasira ang mga pundasyon ng demokrasya,  ng makatao at likas-kayang kaunlaran at ng isang makatarungan at matagalang kapayapaan. 

Pinangunahan at pinairal ni Marcos ang kaisipan at gawi na ang pampulitikang kapangyarihan ay pagkakataon hindi ng paglilingkod sa interes ng mamamayan ngunit ng pandarambong sa kabang-yaman ng bayan para sa sariling kapakanan.  Pinaugat ang korupsyon sa lahat ng sangay ng pamahalaan. 

Pinabayaan ang paglaganap ng walang pakundangan na paglabag sa mga karapatang pantao. Namuo ang isang kultura ng “impunity” kung saan imposible panagutin ang mga nagsagawa ng mga kasuklam-suklam at karumaldumal ng paglabag sa dignidad at karapatang-pantao, lalo na kung ito ay mga kasapi  o opisyal ng sandatahang pwersa – mga military o pulis - ng estado.  Kinasanayan hindi ang “command responsibility”, ngunit ang “command conspiracy” , kung saan ang mga opisyal sa pamahalaan o unipormadong sector kasama ang mga ordinaryong empleyado o sundalo o pulis ay nagsabwatan upang tiyak na mapagtakpan ang paglabag sa karapatan o krimen na isinagawa.

Sa pagtindi at paglawak ng panunupil at pagsikil sa mga karapatang pangkabuhayan, panlipunan at pangkultura, tinumbasan ito ng palawak na iba’t ibang antas at mapaglikhang anyo ng pagtutol at paglaban ng mamamayan sa batas militar at diktaturyang pamamahala ni Marcos. 

PAGPUPUGAY SA MGA BAYANI NG MGA BATAYANG KALAYAAN, KARAPATAN AT KATARUNGAN

Libo-libong mamamayan ang nagsanib ng tapang, lakas, talino, panahon at pinansya upang itaguyod at ipagtanggol ang karapatan ng mga magsasaka, manggagawa, katutubo, kababaihan at  iba pa. Marami rin ang mga nagbuwis ng kanilang buhay at hindi maliit ang bilang ng mga naging biktima ng sapilitang pagkawala dahil sa kanilang paninindigan para sa katarungan at karapatan ng lahat.

Hanggang sa mapatalsik ang diktadura at tuluyang winakasan ang labing-apat na taon na Martial Law.

ANG KASALUKUYAN

Ika-limang administrasyon na mula noong matapos ang malagim na kasaysayan ng Batas Militar.  Ikalawang Aquino na ang nalukluk sa pampulitikang poder.

Ngunit ang mga tanda ng rehimen ni Marcos at ng Martial Law ay hindi pa rin masinsin na napupuksa.  Ang ilan dito ay:
·       hindi pa tapos ang mga usaping pangkapayapaan para sa Bangsamoro at sa National
Democratic Front (NDF);
·       nariyan pa rin ang pandarambong sa isinabuwis at iba pang pera ng mamamayan na lumitaw kung gaano kalalim at kalawak ang korupsyon sa pamahalaan sa sinimulang kaso laban kay Napoles;
·       bagamat may ilang mga karapatan na naisabatas, katulad ng laban sa tortyur (2009) at sapilitang pagkawala (2012), wala pa rin napaparusahan katulad ng mga nagsilabag noong panahon ng Martial Law;
·       marami pa rin ngayong mga katutubo na tagapagtanggol ng karapatang-pantao kaugnay sa lupa na pinaslang o “extra-judicially killed”, hal. Sa San Francisco, Agusan del Sur at sa Porac, Pampanga;
·       mga mapanirang proyektong pangkaunlaran ng mga local at dayuhang namumuhuman na nagpapalala sa epekto ng nagbabagong klima;
·       ilang libo pang mga magsasaka ang di pa napasakanilang kamay ang kabahagi nila sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP / CARPer);
·       ilang libo pa rin ang maaring di maisali sa listahan ng bibigyan ng kompensasyon bilang biktima ng paglabag sa kanilang karapatang pantao kung di mabigyan ng palugit ang batas na layuning mabigay ng panimulang katarungan sa mga biktima;
·       patuloy na pag-iral ng “command conspiracy” sa hanay ng unipormadong sector;
·       ang panibagong pagtangka na hawakan muli ng military ang sibilyan na Philippine National Police (PNP) at buwagin na ang Philippine National Police Academy (PNPA) at ·       Nananatili pa rin ang Political Dynasty, pamumuno ng pamilya at magkakamag-anak  ng sabay sabay  sa iba’t ibang posisyon mg gobyerno sa maraming bayan at kahit sa mga nasyonal na lebel at
·       ang pag-anunsyo na maaring tumakbo si Senator Bong-Bong Marcos sa pagka-Presidente at na  magpapatuloy ng impunity laban sa mga biktima ng Martial Law.

Katulad sa pagwawakas ng Martial Law, ang mamamayan ang siya pa ring kailangan magmatyag at sumubaybay sa pagtupad ng anumang pamahalaan at sinumang manungkulan sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan.

MGA PANAWAGAN

Kaya nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na:

·      itaguyod at ipaglaban ang ating mga karapatan;
·      mag-buo at mag-organisa ng mga pormasyon ng mga taga-pagtanggol ng karapatan o “human rights defenders” katulad sa mga komunidad, opisina at paaralan at
·      subaybayan ang pagpapatupad ng karapatan at ng batas ng mga nasa pamahalaan.

PAKIKIISA

Nakikiisa kami sa lahat ng nag-gigiit at lumalaban sa kanilang mga karapatan, sa kanilang paglansag sa mga lambat ng korupsyon at sa pagtaguyod ng kaunlaran nakabatay sa karapatang pantao.

Talasan natin ang ating mga mata. 

Martial Law:  
Bawat Tanda, Puksain; Bawat Gawi, Hadlangan; 
Karapatan at Kalayaan – Ipaglaban, Pangalagaan

Comments

Popular posts from this blog

POPCOM, gagamit ng ‘digital platforms’ para pagtibayin ang mga ugnayang pampamilya

UP Diliman Professors Share Scientists’ Procurement Struggles at Senate Hearing

Biden said set to make push for demilitarized Palestinian state as part of new doctrine ---By LAZAR BERMAN